@Buti na lang may SSS | December 13, 2020
Dear SSS,
Ako ay SSS pensioner sa San Leonardo, Nueva Ecija. Una, nais kong magpasalamat sa SSS sa maaga ninyong pamasko sa aming mga pensiyunado. Ikalawa, nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses? – Lino
Sagot
Maaari kayong mag-apply para sa three-month advance pension sapagkat batay sa Proclamation No. 1051 na nilagdaan noong Nobyembre 18, idineklara na nasa ilalim ng state of calamity ang buong Luzon Island Group.
Ang three-month advance pension ay bahagi ng Calamity Assistance Package (CAP) na binuksan ng SSS noong Nobyembre 27 upang magbigay-tulong pinansiyal sa mga SSS at EC pensioner na nasalanta ng mga nagdaang Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.
Sa ilalim ng programang ito, paunang ibinibigay ng SSS ang tatlong buwang pensiyon ng pensiyunado. Layunin ng SSS na makatulong sa dagliang pangangailangan ng mga pensiyunado tulad ng gamot at pagkain. Halimbawa, kung maaprubahan ngayong buwan ang aplikasyon, maaaring makuha ang pensiyon para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso.
Maaaring mag-apply ng three-month advance pension ang mga pensiyunado na naninirahan sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat ay walang utang sa ilalim ng Pension Loan Program.
Kinakailangang punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaaring mai-download sa aming website (www.sss.gov.ph). Dapat ding sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa apektadong lugar. Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development o NDRRMC na kayo ay naninirahan sa isa sa apektadong lugar. Maaaring isumite ang form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.
Hindi ito pautang kaya walang babayaran ang pensiyunado. Subalit, kung mai-advance na ang inyong pensiyon halimbawa ay para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso, muli kayong makatatanggap ng buwanang pensiyon sa Abril.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments