top of page
Search
BULGAR

Administrasyong Marcos, dapat ipagpatuloy ang daratnang economic policies ng gobyerno

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 4, 2022


Halos mag-iisang buwan na mula nang sumailalim sa pambansang halalan ang Pilipinas. Kung nanalo ang mga ibinoto mo, congratulations. Pero kung hindi naman, ang masasabi lang natin, may mga darating pa namang eleksyon. Kung hindi ngayon, maaaring sa mga susunod na panahon.


Ano nga ba ang nangyayari sa atin pagkatapos ng eleksyon? Maliban sa naghihintay tayo ng pormal na salin-kapangyarihan, magkakaiba ang emosyon ng publiko: merong masaya at nag-aabang ng mga susunod na pangyayari at meron namang nakaramdam ng lungkot o parang pagkabigo.


Marami ang nagtatanong sa inyong lingkod kung ano ang mga posibleng mangyari sa Pilipinas sa mga darating na araw, base sa naging resulta ng halalan. Alam n’yo, hindi na bago sa atin ang mga panahon ng kampanya, lalo pa’t tayo ay nasa public service rin. Apat na pambansang halalan, kung saan kumandidato ang namayapa nating ama ang napagdaanan natin at nang pumasok nga tayo sa pulitika, sumabak din tayo sa napakahirap na kampanya.


At kahit pa dumaan tayo sa mga ganyang karanasan, hindi rin naman natin masasabing eksperto na tayo sa mga ganyang usapin — na kaya nating ipaliwanag lahat ang tungkol sa mundo ng pulitika lalo pa’t napaliligiran tayo ngayon ng iba’t ibang uri ng propaganda, social media at impormasyong kailangan nating suriing mabuti kung tama ba o mali.


Iisa lang naman ang hindi nabago sa pagdaan ng tatlong presidente — mula sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte — ang ating economic policies. At dahil d’yan, nakapagpatupad ang gobyerno ng iba’t ibang reporma na nagpaangat sa bansa, kaagapay ang long-term investments sa ating mamamayan.


Nagsimula ito sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo — nang matagumpay niyang maisabatas ang mahihirap na fiscal reforms tulad ng E-Vat noong 2005 — panahon na dinaranas pa ng bansa ang epekto ng Asian Financial Crisis, kung saan ang consolidated budget deficit ay tumaas mula 1% ng ating Gross Domestic Product noong 1997 hanggang 5.8% noong 2003. Ang public debt and contingent liabilities natin ay umabot nang hanggang 13% ng ating GDP at higit sa lahat, tinatayang 30 porsiyento ng lahat ng ating government revenues ay ibinuhos sa pagbabayad ng interes sa ating mga utang, sa halip na ipinondo sa iba pang mga prayoridad ng pamahalaan.


Pikit-matang ipinatupad ng gobyernong Arroyo ang pagsasabatas ng mga bagong buwis dahil batid niyang hindi popular sa publiko ang bagay na ito. Pero sa kabila ng lahat, sa kanyang pagbaba sa puwesto, naging magandang pundasyon ang new taxes sa pagpasok naman ng administrasyon ni ex-P-Noy noong 2010. Nagamit ang kinita sa mga bagong buwis para sa edukasyon, kalusugan at imprastruktura.


Sa pag-upo naman ni ex-P-Noy, napalakas niya ang fiscal affairs ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsasabatas sa ilang sin taxes na nakatulong din sa pagpapalawak sa PhilHealth coverage para sa mas maraming Pinoy. Sa panahon din ni ex-P-Noy mas naging bukas sa publiko ang tax laws.


Sa pagdating naman ng administrasyong Duterte, ipinagpatuloy ang mga naiwang improved revenues ng Aquino administration. Patunay d’yan ang naging paborableng epekto ng comprehensive tax reform packages. Naging daan ito upang mapondohan ang mahahalagang proyekto at programa ng pamahalaang Duterte, tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o libreng pag-aaral ng kolehiyo sa state colleges and universities at ang Universal Healthcare Act na nagbibigay ng health insurance coverage sa lahat ng Pilipino, bagaman hindi pa ito lubusang naipatutupad sa kasalukuyan.


Dahil sa napakagaling na pangangasiwa sa macroeconomic affairs ng bansa sa loob ng dalawang dekada, 10-15 porsiyento na lamang ng ating national budget ang napupunta sa pagbabayad ng utang at ngayon ay nananatili tayong may good credit ratings.


Sinasabi natin ang mga bagay na ito, hindi para ipaniwala sa lahat na wala na tayong kakaharaping problema sa mga darating na araw sa ilalim ng bagong administrasyon.


Pero kung susuriin natin ang mga napiling economic managers ng incoming Marcos administration, may nakikita tayong pag-asa na hindi maliligwak ang ekonomiya ng Pilipinas. Tiwala lang.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page