ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 30, 2023
Tinatawagan natin ang pamunuan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y ‘tip requirements’ ng ilang ride-hailing firms dahil labis nitong naaapektuhan ang matitino nating ‘kagulong’ na parehas na naghahapbuhay.
Sinisira ng sistemang ito ang magandang sinimulan ng ating mga rider na huwag matulad sa ibang tiwaling taxi driver na kung hindi nandadaya sa metro ay nag-o-overcharge, kaya nadadamay ang matitinong taxi driver.
Kung hindi ito mapipigilan sa lalong madaling panahon, matutulad ang mga motorcycle taxi sa ordinaryong four wheeler taxi na iniiwasan na ng mga pasahero at kumikita na lamang tuwing rush hour dahil walang ibang mapagpiliang masasakyan.
Nakakalungkot na kahit sa ibang bansa ay may mga tour guide na sinasabing maganda at mababait ang mga Pilipino, maliban lamang sa mga taxi driver na ginagawang katatawanan upang pang-alis ng inip ng mga turistang bumibiyahe.
Sayang naman kung dadanasin din ito ng ating mga ‘kagulong’ na pinagsikapang magkaroon ng puwang para makapaghanapbuhay sa kalsada, bagama’t hanggang ngayon ay wala pa ring batas na maglalabas ng panuntunan hinggil sa legalidad ng motorcycle taxi.
Ayon sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), nasa 69% ng ating mga kababayan ang nahihirapang maghanap ng trabaho, at alam n’yo ba na bumaba ang joblessness rate sa bansa dahil marami ang napunta sa pagiging service rider.
Nakakalungkot na isang grupo ng mga commuters ang nagrereklamo dahil sa umiiral na ‘bidding’ sa mga rider at ang may pinakamalaking alok na ‘tip’ ay siyang unang isasakay.
Kung magtutuloy-tuloy ang ganitong kalakaran, tiyak na maaapektuhan ang motorcycle taxi.
Ang nagrereklamo ay ang Coalition for Filipino Commuters laban sa Joyride, dahil sa umano’y diretsahang paghingi nito ng tip mula sa pasahero bago nila i-book na makabiyahe.
Hindi nga naman tama na isama sa feature ng platform ang paghingi ng tip dahil malaking disadvantage ito sa panig ng mga pasaherong ayaw magbigay ng tip o wala talagang kakayahang magbigay ng tip.
Bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist, buong puso nating sinusuportahan ang hinaing na ito ng Coalition for Filipino Commuters dahil ayaw nating maapektuhan ang mga pasahero at masira ang imahe ng ibang motorcycle taxi na hindi naman gumagawa nito.
Kung titingnan ang Joyride app, may makikitang ‘add tip’ feature bago makakuha ng motorcycle taxi o kotse, ngunit ang pagbibigay umano ng tip ay ‘optional’ na ipinaaalala naman ng naturang platform.
Ngunit tila sumasalungat ito sa babala ng LTFRB para sa mga public transport, partikular sa mga motorcycle taxi na ipinagbabawal ang overcharging at dapat lahat ng industry player ay sumunod sa ipinatutupad na fare matrix.
Binuo ang fare matrix ng LTFRB upang matiyak na ang pamasaheng sisingilin sa mga pasahero para sa lahat ng pampublikong sasakyan—kahit anong klase pa ito, ay tama at hindi maaabuso ang mga mananakay.
Sabagay, hindi naman kinukunsinti ng pamunuan ng LTFRB ang mga reklamo hinggil sa mga overcharging, basta agad lang nating ipaalam sa kanilang tanggapan na may mga ganitong kalokohang umiiral sa ating pampublikong sasakyan.
Hindi kasi makakarating sa ating pamahalaan kung hindi natin pagsusumikapang iparating, lalo pa at dumarami na naman ang iba’t ibang klase ng reklamo, hindi lamang sa overcharging kundi ang pang-aabuso namang dinaranas ng ilan sa ating mga ‘kagulong’ sa piling ng pasahero.
Ang mga ganitong usapin ay nakatakdang talakayin ng Technical Working Group ng Committee on Transport para sa Motorcycle Taxi Bill at isa-isang hihimayin ang mga detalye upang matukoy ang ugat at posible pang problema at mabigyan ng karampatang solusyon.
Hindi naman namin tahasang kinokondena ang Joyride dahil ang nakuha naming impormasyon ay ang reklamo laban sa kanila, ngunit bukas naman ang espasyo ng artikulong ito sakaling nais nilang magpaliwanag hinggil dito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments