top of page
Search
  • BULGAR

ABS-CBN, kahit walang prangkisa… DARNA NI JANE, TULOY NA TULOY NA

ni Mercy Lejarde - @Talkies | June 22, 2022



With or without prangkisa, tuloy ang laban ni Darna sa Kapamilya Network.


Yes, sir! At harinawa, maantig ang damdamin ng bagong PH president na si BBM na bigyan niya uli ng prangkisa ang ABS-CBN para muling magkaroon ng work, work, work ang mahigit six thousand workers and employees na isinabay pa ni Digong sa kasagsagan ng pandemya kung kaya pati tuloy kaming nasa showbiz media ay affected din 'coz no preskons at kung meron man bihira at pili lang.


Anyway, pormal nang inilunsad ng ABS-CBN ang Darna mural na nagpapahalaga sa kabayanihan ng bawat tao at naghahatid ng pag-asa na inalay nito sa mga frontliner at iba pang maituturing na bagong bayani.


Ang lead star ng pinakainaabangang serye na Mars Ravelo’s Darna na si Jane De Leon ang nanguna sa ginawang unveiling sa ABS-CBN Compound sa Eugenio Lopez Drive sa Quezon City.


Aniya, “Handog namin ito sa ating real-life heroes na kahit sa maliit na paraan ay naipapakita nila na tayong lahat ay nagtataglay ng kabayanihan, patunay lang na mahahanap natin lagi ang Darna sa bawat isa.”


Kasama rin ni Jane ang iba pang Darna stars na sina Janella Salvador at Joshua Garcia sa naganap na special tribute.


Ang visual artist na si Anina Rubio na kilala sa kanyang artworks na tungkol sa ganda ng kalikasan ang nagdisensyo ng higanteng mural tampok ang mga ordinaryong tao na nagtataglay ng sagisag ni Darna.


May temang “Ikaw, ako, tayong lahat si Darna” ang mural na naglalarawan na ang bawat tao ay may kani-kaniyang ‘kabayanihan’ at paraan upang maghatid ng pag-asa at positibong pananaw sa kabila ng hirap at kaguluhang tinatamasa.


Kinomisyon ito ng ABS-CBN kaugnay ng makabagong paghahatid ng kuwento ng iconic Pinay superhero na si Darna, na muling maglalakbay, tutulong at makikipaglaban sa kasamaan.


Pinangungunahan ng master director na si Chito S. Roño kasama si Direk Avel Sunpongco sa ilalim ng JRB Creative Production unit ng ABS-CBN ang programang Darna na malapit nang mapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, at iWantTFC.


Alamin ang latest sa Darna, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter @JRBcreativeprod at sa Instagram @JRBcreativeproduction.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page