ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 24, 2023
Isa sa pinakamalaking kinakaharap na problema ng bansa ay ang sobrang pagsikip ng daloy ng trapiko, lalo na sa maraming bahagi ng Metro Manila, ngunit may mga lalawigan na ring dumaranas ng kahalintulad na problema.
Halos lahat naman tayo ay nakaranas na maipit sa gitna ng hindi umuusad na trapiko at ang iba ay hindi naman makabiyahe dahil sa kawalan o kakulangan ng masasakyan na madalas ay nagdudulot ng malaking epekto sa ating kabuhayan.
Hindi naman lahat ng ating kababayan ay may kakayahang bumili ng four-wheeled vehicle para sa ligtas na pagbiyahe, ngunit ang problemang ito ay nabigyang solusyon ng ating mga kababayan.
Bilang maparaan tayong mga Pinoy, parang sa tagline ng isang sikat na bangko—'we find ways’ at isa sa mga ito ay ang pagmamaneho ng motorsiklo.
Hindi na mapigilan ang pagiging popular ng motorsiklo sa bansa at parami nang parami sa ating mga kababayan ang nahuhumaling sa pagmamaneho ng motorsiklo at katunayan, maging ang mga masasamang loob ay ginagamit na ang bentahe ng motorsiklo.
Hanggang sa maisabatas nga ang Republic Act 11235 na ang layunin ay maiwasan ang krimen na malalabag ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at binibigyang-pugay natin si Sen. JV Ejercito sa pagsusumite ng panukalang-batas na maamyendahan na ang RA 11235 na mas kilala sa tawag na ‘Motorcycle Crime Prevention Act’.
Hindi lang bilang mambabatas kundi bilang isang nagmamaneho ng motorsiklo ay nararapat lamang na magkaroon ng patas na pagtrato sa lahat ng mga kababayan nating nagmamaneho ng motorsiklo at dapat ay palaging parehas ang batas.
Alam natin na ang karamihan sa mga mananakay ng motorsiklo ay kabilang sa mababa at manggagawang uri ng ating lipunan, kung saan ang iba ay pinagkaitan pa ng marangyang kabuhayan, kaya marapat lang na kahit sa batas ay makaranas sila ng pantay na pagtrato.
Hindi sila dapat singilin ng sobra-sobrang multa o bigla na lamang ikulong dahil sa pag-iral nitong RA 11235, kaya noong nakaraang Miyerkules ay dumalo sa Senado ang halos lahat ng samahan ng mga nagmomotorsiklo sa bansa upang makiisa sa pag-amyenda ng naturang batas.
Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Justice and Human Rights joint with Public Services, lalo pang naglabasan ang hinaing ng mga kababayan nating gumagamit ng motorsiklo, kaya napapanahon na talagang maamyendahan ang RA 11235.
Nakapaloob sa panukala na alisin ang anumang pagdududa sa umiiral na batas hinggil sa pagkiling nito laban sa rider ng motorsiklo na hindi pa naiimbestigahan ay may sala na agad.
Nakasaad din na bilang pantay na pagtrato sa lahat ng driver, kailangang ibaba ang multa sa RA 11235 dahil hindi ito patas kung ikukumpara sa ipinapapataw na multa sa four-wheeled vehicle na may parehong violation.
Dapat ding alisin na ang penalty of imprisonment sa violation ng nasabing batas dahil masyado itong malupit at pag-iral ito ng diskriminasyon sa panig ng mga nagmamaneho ng motorsiklo.
Halimbawa ng Registration by the Owner: may multa ito na hindi bababa P20,000, ngunit hindi naman tataas sa P50,000, na sobrang mahal at dapat dito ay multang hindi tataas sa P5,000.
Sa Driving Without a Number Plate or Readable Number Plate – ang umiiral na multa ay hindi bababa sa P50,000, ngunit hindi naman tataas sa P100,000 – na dapat ang multa ay hindi hihigit sa P5,000.
Loss of Number Plate or Readable Number Plate – may multa itong P20,000, ngunit hindi naman hihigit sa P50,000 – pero dapat, ang multa rito ay hindi lalagpas sa P5,000.
Erasing, Tampering, Forging, Imitating, Covering or Concealing a Number Plate or Readable Number Plate and Intentional Use Thereof – ang umiiral na multa ay hindi bababa sa P50,000, ngunit hindi hihigit sa P100,000 – pero ang dapat lamang na multa rito ay hindi hihigit sa P10,000.
Use of Stolen Number Plate or Readable Number Plate – ang multa rito ay hindi bababa sa P50,000, ngunit hindi naman lalagpas sa P100,000, na grabe ang taas at ang nakapaloob sa amyenda ay hindi dapat ito tataas sa mahigit sa P10,000.
Dapat ding baguhin itong ‘kambal-plaka’ na noon ko pa tinututulan ngunit nakalusot pa rin.
Salamat at natauhan ang maraming nagmomotorsiklo at ilang kasamahan sa Senado na mabigyan ng pagkakataong mabago ang batas.
Noon ko pa sinasabi na napakadelikado ng plakang ikinakabait sa unahan ng motorskilo dahil sa lakas ng hangin ay puwede itong kumalas at tumama sa mukha ng driver o ibang tao na nakatayo malapit sa kalsada.
Maganda ang panukalang kabitan na lamang sa unahan ng motorsiklo ng RFID imbes na plaka at du’n na lamang ilagay ang mga detalyeng kakailanganin ng maninitang enforcer.
Sa ngayon, napakalaki ng backlog para sa motorcycle license plates na umabot na ng 11.5 milyon habang 2.3 milyong pares ng replacement plates ang kailangan pang gawin, ayon mismo Land Transportation Office (LTO).
Lahat ng problemang ito na kinakaharap ng mga kapwa natin nagmomotorsiklo ay nararamdaman natin, kaya kaisa n’yo akong lahat para maamyendahan na ang RA 11235.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments