top of page
Search
BULGAR

Abot-kayang gamot sa Cancer, Diabetes at Hypertension, buti naman

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 2, 2024


Ipinangalandakan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na kayang mapabagsak sa P50 kada kilo ang presyo ng bangus sa bansa mula sa kasalukuyang P150 hanggang P250 kada kilo. 


May National Food Stock Development Program daw ang BFAR, kung saan maaaring mas palakasin ang produksyon ng nasabing isda para makatiyak na may aasahang matatag na supply nito. 


Aba’y matagal nang inaasam ng ating mga kababayan na makabili sa palengke ng murang bangus kaya’t hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang pamahalaan sa lahat ng kaya nilang magawa sabi nga nila para mangyari ito kung mangyayari nga. 


Huwag naman sana itong matulad sa nauna nang ipinangakong pagbaba ng presyo ng bigas na nauwi rin sa wala. Hindi rin sana maging artipisyal na mekanismo ang ipairal, na kalaunan ay babalik at babalik sa totoong mataas na presyo sa merkado alinsunod sa law of supply and demand. 

***


Samantala, nagpapasalamat tayo na nadagdagan ng 21 ang listahan ng mga gamot na hindi na papatawan ng VAT upang maging abot-kaya at mabili ng ating mga maysakit na mahihirap na kababayan sa mas mababang presyo. 


Ang mga nasabing gamot ay para sa cancer, diabetes, mataas na cholesterol, hypertension, kidney disease, tuberculosis at maging para sa mental illness. 


Kung kayo ay kasalukuyang iniineksiyunan o umiinom ng gamot o maintenance medicines, may aasahan kayong pagbaba ng presyo kung ito ay kabilang sa mga sumusunod: 


Panitumumab (for infusion) at Fulvestrant (for injection) na para sa cancer; Teneligliptin (20 mg), Sitagliptin + Metformin Hydrochloride (50 mg/500 mg), Sitagliptin (50 mg at 100 mg), at Metformin Hydrochloride (500 mg) na mga tableta para sa diabetes;

Atorvastatin Calcium (20 mg) at Atorvastatin + Fenofibrate (40 mg/160 mg) na mga tableta para sa mataas na cholesterol; Clonidine Hydrochloride at Lisinopril na para sa hypertension; Mannitol, Tolvaptan at Alpha Ketoanalogues + essential amino acids na para sa kidney disease; Bedaquiline at Isoniazid +Pyridoxine Hydrochloride na para sa tuberculosis; at Desvenlafaxine (50 mg) para sa mental illness. 


Karapatan ng bawat Pilipino na makapagpagamot at makabili ng mga kinakailangang medikasyon sa kanyang paggaling. Hindi lang dapat mga mayayaman ang magkaroon ng pagkakataong bumuti ang kalusugan kundi maging ang mga mahihirap. Ang ibinibigay na gaan ng mas pinababang presyo ng mga gamot na ito ay dapat kagyat na maramdaman ng ating mga kababayan. 

***


Sa usaping pulitika naman, painit nang painit ang mga pangyayari at patindi nang patindi ang mga bangayan. May mga isnaban pa. Nakakaloka. 


May mga kumakampi sa magkabilang panig at may mga ambisyoso at ambisyosang nakikisakay naman. Malapit na ang 2025, kaya’t asahang mas iingay pa ang maraming dati lang namang nananahimik at hindi makabasag-pinggan. Pag-usapan uli natin ‘yan sa susunod na isyu! Abangan!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page