top of page
Search
BULGAR

Abot-kayang driving school fees, malaking tulong sa baguhang driver

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 14, 2023



Sa wakas ay nagbunga na ang ating panawagan na kontrolin ang nagtataasang bayad sa mga driving school na dahilan para hindi makapag-enroll ang marami nating kababayan, na umaasa lamang sa turo ng kapitbahay.


Ang kawalan ng pormal na edukasyon sa pagmamaneho ang isa sa nakikitang dahilan ng madalas na aksidente at labis na pagsikip ng daloy ng trapiko dahil na rin sa kawalan ng disiplina, lalo na at magkasabay na bumabaybay ng kalsada ang kotse at motorsiklo na magkaiba ang sistema.


Sa ilang mga interviews sa radyo at telebisyon na ating pinagdaanan, palagi nating sinasabi na kahit hindi tayo nagmamaneho ng motorsiklo ay dapat din tayong mag-aral kung may pagkakataon upang matutunan natin ang kasalukuyang sistema sa kalye.


Hindi ko sinasabing lahat ay obligadong mag-aral magmaneho ng motorsiklo, ang sinasabi ko ay kung may pagkakataon lamang upang mas maunawaan at maramdaman ng bawat isa ang kalagayan ng mga nagmomotorsiklo sa lansangan.


Wala na kasi tayong magagawa kung hindi ang isaayos ang lahat dahil nand’yan na sa lansangan ang motorsiklo, na alam nating nakadagdag sa pagsikip ng lansangan, ngunit hindi rin natin maitatanggi na may dala itong malaking kabuhayan at malaking tulong sa ekonomiya.


Araw-araw na nadadagdagan ang kotse at iba pang behikulo sa kalye, at hindi maitatanggi na mas malaki ang bilang ng motorsiklo na kumakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil bukod sa napakamura ay kayang-kayang hulugan ng mahihirap nating kababayan.


Sa halip na kondenahin o tawaging ‘kamote driver’ ang ating mga ‘kagulong’ mas makabubuting unawain natin na ang karamihan sa kanila ay wala namang sapat na edukasyon dahil sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan.


Ngayon, heto ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na nagbigay ng pahayag kamakailan na mag-iisyu umano sila ng order na maglilimita sa presyo ng bayad sa mga driving school na isang napakagandang hakbangin.


Bilang number one Representative ng 1-Rider Partylist, pinupuna natin ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na may mga hakbanging makakaapekto sa takbo ng mga motorista, lalo na sa ating mga ‘kagulong’.


Ngunit sa ganitong hakbangin ng LTO, marapat lamang silang bigyan ng papuri at suportahan sa kanilang layunin na limitahan ang bayad sa mga driving school sa bansa para makayanan ng ating mga kababayan.


Kung inyong mapapansin, parang kabuteng nagsulputan ang mga driving school sa bansa at wala man lamang nagre-regulate sa kanila para magkaroon ng standard na singil at kahit magsagawa tayo ng lifestyle check, napakarami nang yumaman sa pagtatayo ng driving school.


Napakaganda kung matutupad ang anunsiyo ng LTO na sa katapusan ng Marso ay maglalabas umano sila ng standard rate fees sa mga driving school at sana ay maglabas sila ng presyong abot-kaya ng mahihirap nating kababayan.


Kaya sinisikap din nating maisama sa curriculum ng high school at senior high school ang driving upang lahat ng magtatapos ay alam ang lahat ng traffic sign, actual driving, disiplina at respeto sa kapwa motorista, ngunit lubhang masikip na umano ang umiiral na curriculum at pinag-aaralan pa kung paano ito maisasama.


Matindi kasi talaga kung maningil ang mga driving school dahil halos umaabot sa P20,000 ang kanilang sinisingil depende sa driving package na pipiliin ng mga nais mag-enroll at lamang na lamang ang anak ng mayayaman.


‘Yung mga may pera ay ilang linggong tinuturuan at may libre pang driving license na kasama sa package, pero kung hindi sapat ang pera ay may iniaalok din silang mas mura, pero ilang oras ka lang tuturuan at bahala ka na sa buhay mo kung huhusay ka o hindi.


Ngayon pa lamang ay sinasaluduhan na natin ang LTO at sana ay hindi na magkaroon ng aberya para maipatupad na limitahan na ang sobrang singil sa mga driving school.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page