top of page
Search
BULGAR

Aberya at kontrobersiya sa LTO, non-stop!

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | April 23, 2023



Marami ang hindi natuwa sa pag-anunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na papel na lisensya muna ang kanilang ibibigay sa mga kumukuha ng driver’s license habang hindi pa naaayos ang supply para sa plastic na lisensya.


Ayon sa LTO, mayroong shortage ng plastic cards at hanggang katapusan na lang ng Abril ang suplay ng plastic card ng driver’s license.


Dagdag pa nila, tinatayang aabot sa 5.2 milyon na driver’s license holders ang maaapektuhan ng shortage na ito.


Hindi natin alam kung bakit patuloy na nagkakaroon ng ganitong aberya sa LTO.


Matapos nating palawigin ang validity ng lisensya sa sampung taon, binigyan naman natin ng bagong problema ang ating mga motorista.


Binabayaran naman ng ating mga kababayan ang pagkakaroon ng lisensya at dapat lamang ibigay ang karampatang serbisyo sa kanila.


☻☻☻


Nitong nakaraang Linggo din ay binatikos ang LTO matapos ihanay ng isang regional office ang mga LGBTQ sa priority lane na para sa mga senior citizens, buntis, at PWD.


Umalma ang publiko at maging ang mga kabilang sa LGBTQ community sa ginawang desisyon ng LTO regional office.


Depensa ng LTO, isolated case ang nangyari at bahagi ng gender and development project ng nasabing opisina.


Maganda man ang naging intensyon ng LTO, hindi pa rin maipagkakaila na mali ang ginawang desisyon ng LTO regional office na gawin ito.


☻☻☻


Ibayong pag-iingat po sa lahat ng ating mga kababayan dahil nagbabala ang PAGASA na muling tataas ang heat index sa ating bansa.


Hinihimok natin ang lahat na uminom ng tubig, magsuot ng preskong damit at iwasang lumabas bandang tanghali hanggang hapon.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page