ni Lolet Abania | November 25, 2022
Magbabalik na ngayong taon sa mga lansangan ang inaabangang Metro Manila Film Festival (MMFF) Parade of Stars sa Disyembre 21.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ang naturang parada ay iho-host ng lokal na gobyerno ng Quezon City, simula alas-2:00 ng hapon ng Disyembre 21.
Muling mamamalas ng publiko ang mga naggagandang floats kasama ang mga paboritong artista na kalahok sa MMFF, kung saan babagtas para sa 7.36 kilometer run mula Welcome Rotonda-Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle. Habang ang event ay tinatayang nasa 2 oras at 30 minutong time travel.
May temang “Balik Saya sa MMFF 2022,” ang film festival ngayong taon ay tatagal mula Disyembre 25 hanggang Enero 7, 2023, at magbabalik na rin sa mga sinehan.
Noong Oktubre, inianunsiyo na ang kumpletong lineup ng mga kalahok sa film festival.
Matatandaan na noong nakaraang taon, ginawa ang unang fluvial parade ng MMFF na mula Guadalupe Ferry Station hanggang Circuit Makati.
Samantala, ang MMFF Gabi ng Parangal ay gaganapin sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater sa Quezon City.
Comments