top of page
Search

Aasenso ang OFWs kung magiging wais sa pagnenegosyo

BULGAR

ni Fely Ng - @Bulgarific | October 20, 2022



Hello, Bulgarians! Habang lubhang naaapektuhan ng piso ang paggastos ng mga mamimili, naniniwala si Go Negosyo founder Joey Concepcion na may kaakibat itong positibong epekto na magtataguyod sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho sa Pilipinas.


“Nakikita ng OFWs ang 12 hanggang 13 porsyentong dagdag sa bawat dolyar na kanilang naiipon,” wika niya sa Laging Handa Public Briefing, kamakailan. Bukod sa pagpapagaan ng remittance sa hagupit ng malakas na dolyar, maaaring mapakinabangan ang mas mataas na kita para maabot ang pangmatagalang kaunlaran kung mamumuhunan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa at maging entrepreneurs.


“Malaki ang kontribusyon dahil marami tayong OFWs,” wika niya. “Tumataas ang kanilang kita pagdating sa piso, subalit dapat maging wais sila sa paggastos at pamumunuhunan,” dagdag pa niya. “Umaasa ako na mayroong sapat na ipon ang ating OFWs para sila’y makabalik at magsimula ng maliit na negosyo upang hindi na sila habambuhay na magtrabaho nang malayo sa kanilang tahanan,” aniya.


Sinabi pa ni Concepcion, na siya ring nangunguna sa Jobs group ng Private Sector Advisory Council, na dapat hikayatin ang mga OFW na maging entrepreneurs dahil magreresulta ito sa mas maraming trabaho para sa mga Pilipino, lalo na sa mga lalawigan. Pinadali rin ng gobyerno at pribadong sektor para sa OFWs na maging entrepreneurs sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Ibinahagi ni Concepcion na ngayong ika-3 ng Disyembre, magsasagawa ang non-profit na Go Negosyo ng OFW Summit na nakatuon sa pagtuturo sa mga OFW ukol sa entrepreneurship.


Nakatuon naman ang isa pang event sa ika-24 ng Oktubre, ang Digital SignUp Now, sa digitalization bilang isa pang paraan para maging mas madali para sa MSMEs na makipagsabayan kahit sa malalaking brand. “Nakakapasok ang malalaking kompanya sa mga supermarkets at malls, ngunit may katumbas na halaga ang pagpasok,” wika ni Concepcion. “Sa tulong ng digitalization, ito’y libre lahat, ngunit dapat alam mo kung paano ilalagay ang inyong produkto sa mga platform na ito at maibenta sila nang tama,” dugtong pa niya.


Aniya, ginagawa ng pribadong sektor na maging pabor sa MSMEs ang mga kondisyon, tulad ng pakikipagtrabaho sa pamahalaan para makakuha ng bivalent vaccines upang mapigil ang anumang pagkaaantala ng ekonomiya. Nag-iimbak naman ng mga produkto ang mga manufacturing company para matiyak na sapat ang supply ng mahahalagang bilihin tulad ng asukal at harina sa kabuuan ng panahon ng Kapaskuhan hanggang sa unang bahagi ng 2023. Ipinaliwanag ni Concepcion na mahalaga na maging aktibo ang ekonomiya sa ikaapat na bahagi ng taon para sa mga negosyo dahil kinakatawan nito ang rurok ng paggastos ng mga mamimili.


“Umaasa tayong maganda ang magiging benta ng MSMEs at magkakaroon sila ng sapat na kapital para makatawid sa 2023,” wika pa niya.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page