top of page
Search
BULGAR

Aalagwa na ang ekonomiya, ngayong meron na tayong bakuna!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | March 6, 2021



Lumalarga na ang vaccination program ng gobyerno matapos dumating noong Lunes, Marso 1 ang mga donasyong bakuna ng Sinovac. Unang bugso nito ay para sa ating health workers base na rin sa prioritization ng pagbabakuna.


Umaasa rin tayong darating na rin sa lalong madaling panahon ang iba pang bakuna para naman matugunan ang karapatan ng iba pa nating mga kababayan na makapamili ng nais nilang bakuna.


Ngayong tayo ay may COVID vaccines na, wala nang hadlang upang hindi umalagwa ang ating ekonomiya at kalakalan.


At upang mas maisulong natin ito, higit kailangan ang mas maigting na pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor, sa pagtutulak ng malawakang vaccination program para sa lahat.


Isang taon na tayong nakikibaka sa COVID — maraming buhay na ang nalagas at nalagay sa alanganin dahil dito — at napakaraming hanapbuhay ang nawala. Ang mga dati na nating naghihirap na kababayan, mas lalo pang nalubog sa kahirapan.


Noong nakaraang taon, nang sumirit nang husto ang kaso ng COVID-19 sa bansa, isa ang mga pribadong sektor sa naging abala upang tumulong sa ating mga kababayan. Walang sawa silang nakiisa sa pamahalaan sa pagbibigay tulong sa publiko, partikular sa ating healthworkers, mga doktor at iba pang mediko.


Naging instrumento ang pribadong sektor sa pagpapalago sa suplay ng personal protective equipment (PPEs), at face masks para tiyaking sapat ang bilang ng mga ito para sa ating health workers.


Kaakibat din sila ng gobyerno sa pagpapadala ng iba’t ibang tulong tulad ng pagkain at ayudang pinansiyal sa mga pamilyang hinagupit nang husto ng pandemya. Malaking tulong din ang naibahagi ng pribadong sektor sa pagpapalawak sa kapasidad ng bansa sa testing, tracing at treatment ng COVID-19.


Ito ang tunay na kahulugan ng Bayanihan. Akbayan, tulungan, pagkakaisa para sa kapakanan nang lahat.


Ipinakikita lang ng mga pangyayaring ito kung ano ang mabuting nagagawa kung may pagkakaisa at pagtutulungan lalo na sa mga panahong tulad nito — panahon ng krisis at anumang trahedya.


Matagal na nanamlay ang ating ekonomiya dahil sa COVID. At ngayong mayroon na tayong mga bakuna, at dahil sa maigting na koordinasyon ng gobyerno at ng mga pribadong sektor sa kritikal na pagsusulong ng immunization para sa publiko, asahan natin ang muling paglusog ng ating kalakalan at kabuhayan.


Kahit sa ano’ng aspeto, napakahalaga ng pagtutulungan. Kailangan ng Pilipino ang kapwa Pilipino, hindi lamang para makaligtas sa dinaranas na hirap, kundi para umunlad.


Umaasa tayong ang solidong koordinasyong ito ng gobyerno at ng mga pribadong sektor ay hindi lamang ngayong pandemya kundi hanggang sa tayo ay makabalik sa ating normal na pamumuhay.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page