ni Lolet Abania | May 17, 2021
Magtatalaga na ng vaccine security at safety officers matapos ang mga napaulat na insidenteng nangyari sa COVID-19 vaccines.
Ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH) na si Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang interview, “Ang ating napag-usapan, kasama ang ating vaccine czar, ay magkakaroon tayo ng vaccine security and safety officer at different levels para tingnan niya ano ba ‘yung mga kailangang gawin."
Matatandaang noong nakaraang linggo, ang service boat ng Department of Agriculture na may kargang COVID-19 vaccines ay tumaob sa Quezon matapos na tumama sa isang concrete post.
Gayunman, ayon sa DOH, ang mga nasabing vaccines ay nanatili sa maayos na kondisyon dahil nakabalot ito sa dalawang layers ng plastic.
Sinabi ni Cabotaje, inatasan na ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang mga military assets sa pagdadala ng mga bakuna upang matiyak ang safety nito.
Dagdag ni Cabotaje, tinalakay na rin ito noong weekend kasama ang pulisya at military representatives sa COVID-19 vaccine cluster.
Binanggit naman kanina ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kinailangan ng 24/7 monitoring ng mga bakuna para sa 348 vials ng Sinovac na nagkaproblema sa Cotabato, matapos na mai-report na dalawang araw itong nakalagay sa freezer na walang kuryente.
“As to the sanctions, they were already advised and the local government has been coordinated with by our regional office,” ani Vergeire.
Comentarios