ni Gerard Peter - @Sports | March 23, 2021
Malinaw sa isipan at damdamin ni International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang kahalagahan ng ika-9th title defense niya laban kay No.3 contender Jonathan Javier “Titan” Rodriguez dahil magsisilbi itong daan upang makakuha ng malalaking laban at tsansang mai-unify ang titulo sa mga bigating pangalan sa kanilang dibisyon.
Sa paglipat ni Ancajas (32-1-2, 22KOs) sa bagong promoter na Premier Boxing Champions (PBC) ni Al Haymon, kasunod ng pamamaalam sa Top Rank Promotions ni Bob Arum, paniguradong magiging tuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng karera na matagal ding nabantilaw dulot ng COVID-19 pandemic.
Nakatakdang sumabak ang 29-anyos mula Panabo, Davao del Norte kay Rodriguez (22-1, 16KOs) bilang undercard match ng tapatang Jaron Ennis at Sergey Lipinets para sa WBO welterweight title sa Abril 10 na telecast ng Showtime boxing sa Mohegun Sun Arena sa Uncasville, Connecticut, U.S.A. “Kaya po itong laban na ito ay focus ako. Dahil ito yung susi na makalaban ako sa unification na may mga pangalan na kaya pag-iigihan at ibubuhos ko ang lahat ng ginawa namin sa training, lalo na’t matagal na walang laban. Excited na ako sa next fight ko,” pahayag ni Ancajas, Lunes ng umaga sa ginanap na virtual press-conference kasama sina MP Promotions President Sean Gibbons, head trainer Joven Jimenez at undefeated Filipino boxer Mark Magsayo na nakatakda ring lumaban sa naturang event.
Bagamat mahigit isang taon ding naghintay na muling makalaban sa ibabaw ng boxing ring ang dating Palarong Pambansa champion, hindi alintana rito ang matagal na pagiging bakante dahil sana’y na umano ito sa mga ganitong sitwasyon, dahil hindi naman nagpapabaya sa patuloy na pangongondisyon ng katawan at isipan. Ang mahalaga umano ay maipagpatuloy na mapanatili ang kanyang korona ng matagal na panahon.
"Hindi na bago sa akin ang paghihintay sa laban. Pagkuha ko ng belt ganito rin yung nangyari,” wika ni Ancajas hinggil sa matagal na nasundang laban matapos ang panalo kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico noong 2016. “Hindi ko iniisip na walang laban. Kaya si Lord talaga ang nagpaplano ng lahat ng ito, basta focus lang kailan maibigay yung laban,” dagdag ni Ancajas, na suportado ng Big Boss Cement ni Eng. Gilbert Cruz at SVP Administration Dr. Ishmael Ordonez.
Comments