ni Lolet Abania | February 16, 2021
Nagpatupad na ng forced evacuation ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Agoncillo, Batangas sa isla ng Taal Volcano matapos maiulat ang pagdami ng seismic activities sa paligid ng nasabing lugar.
“Puwersahan pong pinalilikas ang mga taong nasa pulo at mahigpit pa rin pong ipinagbabawal sa ating mga kababayan ang paglapit at manatili sa mismong isla dahil sa nakaambang panganib,” pahayag ng Agoncillo MDRRMO sa Facebook post.
“Pinapayuhan pa rin po ang publiko na ibayong pag-iingat at maging alerto, handa sa lahat ng oras. Ipagdasal po natin na sana ay huwag nang lumala pa ang sitwasyon at kalagayan ng ating mahal na Bulkang Taal,” dagdag pa ng ahensiya.
Ayon kay Easha Mariano, media liaison officer ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nakatanggap sila ng impormasyon na ang mga residente mula sa dalawang sitio sa bayan ng Talisay ay pinalilikas na.
“We received initial info na ongoing ang evacuation sa mga residenteng nasa Taal Volcano mismo na dapat no man's land kaya kailangan silang palikasin. Ang mga pinapalikas ay mula sa dalawang sitio ng Municipality of Talisay,” ani Mariano sa mga reporter.
“This order is for precautionary measure done in line with the recent activities of the volcano pero hindi 'nag-aalburoto' po ang Taal,” sabi pa ni Mariano.
Nananatili naman na nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard spokesperson na si Commander Armand Balilo, ang mga kawani ng Coast Guard Batangas, Talisay Police at MDRRMO ay nasa lugar na upang siguruhin ang kaligtasan ng mga residente.
“Upon signal from the Municipal Administrator of Talisay, Batangas, joint elements of PNP Talisay, MDRRMO and personnel of Coast Guard Batangas onboard five PCG water assets,” saad ni Balilo.
Dagdag niya, ang mga awtoridad ay nagbigay na rin ng advisory habang patuloy ang inspeksiyon sa lugar at pagsundo sa mga residente mula sa Taal Volcano Island para ilikas.
Samantala, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Martes ng 98 tremor activities sa nakalipas na 24 oras sa Taal Volcano.
Gayundin, ang volcanic earthquakes ay tumagal nang 5 hanggang 12 minuto habang ang main crater ay nakapagbuga naman ng steam-laden plumes na umabot sa 5 metro ang taas.
Comments