ni Lolet Abania | October 10, 2022
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_a76df39a31ed44b281ae2477f140ec77~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/bd1fd9_a76df39a31ed44b281ae2477f140ec77~mv2.jpg)
Nasa tinatayang 94 na mga estudyante at guro mula sa San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro ang isinugod sa ospital ngayong Lunes nang makaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Sa ulat, agad na dinala ang mga estudyanteng nasa Grade 4 hanggang 6 at mga titser sa mga ospital matapos na makakain ng lumpia o spring rolls.
Sa isang interview, sinabi ni MDRRMO head Arcris Canillo na nasa 88 estudyante at 6 na guro ang isinugod sa San Sebastian District Hospital, kung saan 72 ang na-discharge na habang 22 ang nananatili pa sa pasilidad.
“Kanina bandang alas-12 ng tanghali, tumawag sa amin ang Barangay San Francisco regarding doon sa mga sumasakit na tiyan ng mga bata sa San Francisco Elementary School. Dinala namin ang patients sa San Sebastian District Hospital,” pahayag ni Canillo.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10:00 ng umaga, bumili ng lumpia ang mga biktima sa labas ng paaralan na ibinibenta. Makalipas ang 2 oras, nagsimulang makaramdam ang mga ito ng pananakit ng tiyan habang sunud-sunod na silang nagsusuka.
Gayunman, wala naman sa mga biktima ang naiulat na kritikal ang kondisyon matapos ang insidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MDRRMO sa school authorities at local government unit (LGU) para tiyakin na ang ibang mga estudyante na nakaranas ng sintomas ng food poisoning ay madadala sa ospital.
Sinabi pa ni Canillo na pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang gagawing aksyon habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Michael Poa, “[the agency is] currently coordinating with the schools division office to get the facts.”
Comentarios