ni Mary Gutierrez Almirañez | April 8, 2021
Umabot na sa 922,898 ang nabakunahan kontra COVID-19 na kabilang sa A priority list, batay sa huling datos ng Department of Health nitong Miyerkules, Abril 8.
Ayon pa sa DOH, mahigit 872,213 na ang nabakunahan ng unang dose, habang 50,685 naman ang naturukan ng pangalawang dose.
Matatandaang nagsimula ang vaccination rollout sa bansa noong ika-1 ng Marso, kung saan naunang dumating ang 600,000 doses ng Sinovac mula sa China at sinundan naman ng AstraZeneca galing COVAX facility. Nasundan pa ito ng ilang dose mula sa dalawang nasabing brand na bakuna. Samantala, inaasahan namang darating na rin ngayong Abril ang bakuna ng Pfizer sa bansa.
Sa ngayon ay tinatayang 2,525,600 doses ng bakuna na ang nai-deliver sa bansa at mahigit 77% o 1,936,600 doses na nito ang naipamahagi sa mga ospital. Sa kabuuan ay 2,670 vaccination sites ang nagsasagawa ng rollout.
Magmula naman nang maubos ang suplay ng AstraZeneca sa bansa ay pinayagan na ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na iturok ang Sinovac sa mga senior citizens upang magpatuloy ang rollout.
Comments