top of page
Search
BULGAR

90% ng health workers, pabor sa booster shot

ni Ryan Sison - @Boses | October 11, 2021



Kung mapatutunayang epektibo at inirerekomenda ng mga eksperto ang booster shots laban sa COVID-19, lagpas sa 90% ng health workers ang handang tumanggap nito.


Ito ang lumabas sa survey ng Department of Health (DOH) kamakailan, kung saan isinagawa ang survey mula Setyembre 15 hanggang 21, na may 10,525 respondents.


Gayunman, habang wala pang rekomendasyon ang mga eksperto hinggil sa ikatlong dose at kahit may mga ulat nang bumababa ang efficacy ng bakuna paglipas ng panahon, bumaba sa 50% ang mga nais tumanggap ng booster shot.


Pero ayon sa isang opisyal ng DOH, dahil naniniwala naman sa siyensiya at ebidensiya ang mga health workers, kailangan lamang itong maipaliwanag nang mas maayos sa kanila. Gayundin, nananatiling bukas ang ahensiya sa pagbibigay ng booster shots at kailangan lamang umano ng kumpletong ebidensiya na kaya nitong mabigyan ng full protection laban sa COVID-19 ang medical frontliners kapag nakatanggap ng ikatlong dose ng bakuna ang mga ito.


At kung mapatutunayan naman, tiniyak ng opisyal na may nakahandang pondo ang ahensiya para sa booster shot ng medical professionals at immunocompromised.


Nakita natin ang kahalagahan ng pagiging fully vaccinated, lalo na para sa medical frontliners dahil sila ang araw-araw na humaharap sa COVID patients. At kahit may mga health workers na nagpositibo sa sakit, hindi naging malala ang epekto nito sa kanila.


Kaya kung tatanggapin ng ating health workers at may sapat nang ebidensiyang mas makapagbibigay-proteksiyon laban sa COVID ang booster shots, sana lang ay talagang maibigay natin ito sa kanila.


Ilan lang sa mga hiling ng ating health workers ang sapat na proteksiyon laban sa virus dahil sa ganitong paraan, hindi lamang sarili nila ang mapoproteksiyunan kundi maging ang kanilang mga mahal sa buhay.


At sa tagal na nilang nakikipaglaban sa virus, karapat-dapat lang na ibigay ang kanilang hiling.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page