ni Jasmin Joy Evangelista | March 14, 2022
Siyam sa sampung presidential candidates ang nagkumpirma na dadalo sila sa Commission on Elections' PiliPinas Debates na gaganapin ngayong buwan at sa Abril, ayon sa Comelec.
Sa isang tweet, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na as of 6:30 p.m. nitong Linggo, March 13, ang mga sumusunod na kandidato ay kumasa na sa inorganisa nilang debate:
* Former Foreign Affairs undersecretary Ernesto Abella
* Labor leader Leody De Guzman
* Manila Mayor Isko Moreno Domagoso
* Senator Panfilo Lacson
* Former Defense secretary Norberto Gonzales
* Businessman Faisal Mangondato
* Physician Jose Montemayor, Jr.
* Senator Manny Pacquiao
* Vice President Leni Robredo
Si dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ay hindi pa nagkukumpirma ng pagdalo, ayon sa Comelec.
Noong March 8, sinabi ng spokesperson ni Marcos na si Vic Rodriguez na ipa-finalize nila noong linggong iyon kung dadalo si BBM sa debate.
Sa isang hiwalay na tweet, sinabi ni Jimenez na pitong vice presidential candidate ang nagkumpirma na dadalo sa debate:
* Professor Walden Bello
* Rizalito David
* Manny Lopez
* Dr. Willie Ong
* Senator Francis Pangilinan
* Carlos Serapio
* Senate President Vicente Sotto III
Ang running mate ni Pacquiao na si Buhay party-list Representative Lito Atienza ay pormal na nag-decline sa imbitasyon dahil sa medical reasons.
Ang vice presidential bet naman na si Davao City Mayor Sara Duterte ay hindi rin nagkumpirma ng kanyang pagdalo. Gayunman, nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya dadalo sa anumang debate para sa eleksiyon 2022.
Nakatakdang ganapin ang presidential debates sa March 19 at April 3. Sa March 20 naman ang para sa mga VP bets. Mayroon ding townhall events para sa presidential at vice presidential bets na gaganapin naman sa April 23 at 24. Lahat ng event ay maaaring panoorin online o sa TV, o pakinggan sa radyo.
Comments