ni Lolet Abania | February 12, 2022
Patay ang siyam na indibidwal na sakay ng isang convoy ng maroon at itim na SUVs matapos na tambangan ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan sa Guindulungan, Maguindanao, ngayong Sabado ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni Guindulungan Mayor Midpantao Midtimbang Jr., kung saan dead-on-the-spot ang mga biktima.
Sa inisyal na report, isang Kumander Peges Mamasainged alyas “Black Magic” ang umano’y target ng ambush.
Ayon kay Maguindanao Police spokesperson Police Lieutenant Fayeed Cana, ang grupo ni Mamasainged ay mga nakasakay sa tatlong SUVs, kung saan patungo ang mga ito sa Barangay Kitapok sa Datu Saudi Ampatuan para umano sa isang “rido” o clan war settlement sa pamilya ng isang Jordan Mamalintang at iselebra ang isang “kanduli” o thanksgiving nang maganap ang insidente sa Barangay Kalumamis.
Ani Cana, isa si Black Magic sa mga nasawi habang tatlo pa ang nasugatan.
Sa isang interview naman ngayong Sabado kay BARMM Regional Police Office PIO Police Lieutenant Colonel Cristio Lagyop Jr., sinabi nitong anim sa mga biktima ang kinilala na ng mga awtoridad.
Ayon kay Lagyop, bandang alas-8:30 ng umaga nangyari ang insidente sa Barangay Tambunan II sa naturang munisipalidad.
Batay sa Maguindanao Police Provincial Office, si Mamasainged ay miyembro ng Inner Guard base command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Tinitingnan na rin ng mga awtoridad na away pamilya ang posibleng motibo ng ambush.
“Merong matagal nang alitan itong grupo ng victim at itong grupo ng suspek,” pahayag ni Lagyop.
Comments