ni Mary Gutierrez Almirañez | June 5, 2021
Siyam ang patay at 1 ang nawawala sa pag-alis ni Bagyong Dante sa Philippine Area of Responsibility (PAR), batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, June 5.
Kabilang sa casualties ang mga nakatira sa MIMAROPA, Regions VI, VII, VIII, XI at XII.
Ayon pa sa ulat, halos 93,683 indibidwal na binubuo ng mahigit 22,839 pamilya ang naapektuhan ng bagyo. Kabilang dito ang 732 pamilya o 2,753 indibidwal na pansamantalang nagpapahupa ng baha sa 50 evacuation centers sa iba’t ibang rehiyon.
Dagdag pa ng NDRRMC, 81 kabahayan ang nasira sa Regions VI, VIII at XI, kung saan umabot sa P86,110,147.60 ang halaga ng mga napinsala. Nagkakahalaga naman ng P53,730,000 ang mga napinsalang imprastraktura sa MIMAROPA, Regions VII, XII at CARAGA.
Samantala, 691 rolling cargoes, 46 vessels at 2,085 pasahero naman ang na-stranded dahil sa nakanselang 40 sea trips sa CALABARZON, MIMAROPA, Regions V, VI, VIII at CARAGA nu’ng kasagsagan ng bagyo.
Nagpaabot naman ng P1,925,967.26 na tulong ang lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan.
Sa ngayon ay papunta na ang Bagyong Dante sa Ryukyu Islands, Japan.
Comentarios