ni Lolet Abania | May 12, 2022
Nasa tinatayang siyam na party-list groups ang tiyak na ang puwesto sa House of Representatives base sa partial at official tally ng Commission on Elections (Comelec), na sila ring tumatayong National Board of Canvassers (NBOC).
Ayon sa NBOC’s National Tally Sheet Report Number 2, ang mga party-list groups na nakatanggap ng tinatayang 2% ng votes na required para sa proklamasyon ay ang mga sumusunod:
1. ACT-CIS – 1,112,991 (6.0586%)
2. Ako Bicol – 513,403 (2.7947%)
3. 1-Rider party-list – 453,712 (2.4698%)
4. 4PS – 427,779 (2.3286%)
5. Ang Probinsyano – 421,253 (2.2931%)
6. Sagip – 411,440 (2.2397%)
7. Cibac – 394,750 (2.1488%)
8. Ako Bisaya – 391,242 (2.1297%)
9. Probinsyano Ako – 380,119 (2.0692%)
Kaugnay nito, nakasaad sa batas na ang isang party-list group na nakakuha ng tinatayang 2% ng kabuuang bilang ng votes na lumabas sa party-list race ay entitled sa tinatayang isang puwesto o seat sa House of Representatives.
Ang mga lumampas o exceed sa 2% threshold ay entitled naman para sa karagdagang seats katumbas sa bilang ng votes cast, subalit ang kabuuang bilang ng puwesto para sa bawat nanalong party-list group ay hindi maaaring lumampas sa tatlo.
Para naman sa mga hindi naabot ang 2% requirement, posible pa ring maka-secure ng isang seat sa House of Representatives, dahil batay sa party-list law kailangan sa 20% ng House members ay magmumula sa party-list ranks.
Hanggang alas-8:28 ng umaga ngayong Huwebes, ang NBOC ay nakapag-canvass ng votes para sa party-list groups mula sa mga lugar sa National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR), gayundin sa Regions 1, 2, 3, 4A, at 4B.
Gayundin, ang NBOC ay nakapagproseso na ng 82 COCs mula sa mga probinsiya, lungsod, at overseas voting hanggang nitong Miyerkules nang gabi.
Sinabi rin ng Comelec na plano nilang iproklama ang mga nanalong senador sa May 9 elections sa susunod na linggo, kasunod nito ang party-list groups.
Commentaires