ni Gerard Peter - @Sports | November 28, 2020
Umabot na sa siyam na manlalaro mula sa koponan ng National Football League (NFL) na Baltimore Ravens, ang nagpositibo sa mapanganib na novel coronavirus disease (Covid-19), kabilang na si 2019 MVP quarterback Lamar Jackson, dahilan upang iurong ang pakikipagharap nito sa undefeated na Pittsburgh Steelers sa darating na linggo.
Ang 23-anyos mula Pompano Beach, Florida ang pinakabagong NFL superstar na tinamaan ng mapaminsalang karamdaman na lumikha ng malaking outbreak sa NFL. Ang 2018 32nd pick ang ika-apat na manlalaro ng Ravens na nahawahan ng Covid sa nakalipas na buong linggo, kung saan nauna nang nagpositibo sa naturang sakit sina running backs Mark Ingram at J.K. Dobbins, gayundin si defensive tackle Brandon Williams.
“Praying for my brother [Lamar Jackson] and every player, staff member and their families dealing with COVID-19,” wika ni quarterback backup Robert Griffin III sa kanyang tweet nitong Huwebes. “Ensuring the safety of the entire organization is important. Handling this outbreak within the team is bigger than football.”
Bago pa ang pagkakaroon ng apat na atleta, mayroon ng iba pang mga miyembro ang tinamaan ng Covid sa kanilang organisasyon na patuloy na naka-self-isolate at naka-contact tracing matapos matanggap ng ibang mga manlalaro ang resulta. Ang iba pang mga players ay sina Calais Campbell (Defense), Pernell McPhee (OLB), Trace McSorley (QB), Patrick Mekari (C), at Matt Skura (OLM).
Ayon umano sa source, nakuha ni Jackson ang naturang sakit laban sa Tennessee Titans sa M&T Bank Stadium na nagresulta sa 24-30 pagkatalo sa overtime, na nakitaan naman ng pagka-positibo nito lamang Huwebes. Ilalagay ang mga naturang Covid-19 victims sa reserve lists na naglagay sa kanilang koponan sa ika-limang sunod na araw na may nagpositibo.
Comentarios