ni Lolet Abania | June 6, 2021
Timbog ang siyam na lalaki na nagpakilala umanong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army sa isang checkpoint sa bayan ng San Jorge, Samar.
Ayon kay San Jorge Municipal Police Station chief Police Captain Cañete, pinara sa checkpoint ng kanyang mga tauhan ang sasakyan ng grupo at napansin nilang may kakaibang galaw ang mga suspek. Agad na hinanapan ng mga awtoridad ng travel authority ang grupo habang isang papel umano mula sa Palasyo ang ipinakita ng mga ito, kung saan nakasaad dito na pinapayagan silang bumiyahe patungo sa Maynila mula Mindanao at gayundin pabalik.
Nang hingan ng mga pulis ng identification card ang grupo, nagpakita naman umano ang mga ito ng kanilang IDs na nakalagay pa rito na sila ay mga opisyal ng PNP at Philippine Army.
Ayon kay Capt. Cañete, agad niyang ipina-verify sa Maynila ang mga IDs at travel authority ng mga suspek, kung saan lumabas na peke ang mga ito habang walang pangalan ng mga opisyal na tugma sa mga IDs.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga pekeng IDs at pekeng travel authority na nanggaling umano sa Malacañang, ilang hindi lisensiyadong baril at mga communication equipment, mga bala ng baril, bullet proof vest at Philippine Army at PCG uniform. Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa nangyaring insidente.
Comments