ni Lolet Abania | July 27, 2021
Kinumpirma ng San Juan City na may dalawang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa kanilang lokalidad, isa rito ay menor-de-edad.
Sa Facebook page, sinabi ni Mayor Francis Zamora na kabilang sa dalawang Delta variant cases ay isang 9-anyos na lalaki at isang 25-anyos na babaeng empleyado.
Ang 25-anyos na babae ay nagtatrabaho sa isang call center sa ibang siyudad sa Metro Manila at nagpositibo sa test sa virus noong Hulyo 1.
“She was asymptomatic and finished her quarantine on July 13,” ani Zamora. Ang ikalawang Delta variant patient ay nakaranas ng lagnat, maging ang kanyang mga magulang ay tinamaan din ng COVID-19. Ang ama ng bata ay naging close contact at officemate ng 25-anyos na babaeng pasyente na infected ng nasabing variant. “The family underwent quarantine at the Kalinga Center starting July 1 and were released on July 15,” sabi ni Zamora.
Ayon sa alkalde, naipaalam lamang sa city government ang sequenced samples ng mga pasyente nitong Lunes, na halos isang linggo na matapos na makumpleto ang kanilang quarantine.
Sinabi ni Zamora na para mas maiwasan ang maaaring transmissions, ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng mas masidhing contact tracing. “We are taking all necessary precautions against the spread of the COVID-19 Delta variant,” diin ni Zamora.
“All health and safety protocols are being strictly implemented while stringent contact tracing is being conducted to make sure we arrest the spread of the virus,” sabi ng mayor. Sa ngayon, ang San Juan City ay nakapagtala ng 110 active cases ng COVID-19. Gayundin, ang San Juan ay isa sa mga lungsod na nakakumpleto na ng first dose ng COVID-19 vaccines para sa 100% ng kanilang populasyon na 18-anyos pataas.
Kommentare