top of page
Search
BULGAR

891 empleyado ng SPMC sa Davao, may COVID

ni Lolet Abania | January 29, 2022



Halos 900 empleyado ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao, ang nagpositibo sa test sa COVID-19 ngayong buwan.


Ito ang kinumpirma ng medical chief ng SPMC na si Dr. Ricardo Audan na karamihan sa 891 empleyado na tinamaan ng virus ay sumailalim sa home isolation, habang 30 lamang ang na-admit sa healthcare facility. “I think it’s the work of Omicron.


Ang mabuti lang dito, ’yung lahat ng nag-positive, fully vaccinated. And I think, karamihan din, naka-booster na,” sabi ni Audan sa isang interview. Sinabi ni Audan na dahil sa kakulangan ng mga staff ng ospital, binawasan ng SPMC ang quarantine period ng mga infected na empleyado na mula sa 7 araw ay ginawang 5 araw na lamang.


“Bale sinunod din namin ’yung guidelines ng IATF na 7 days fully vaccinated, ginawa na naming 5 days (ang quarantine) kasi talagang medyo ma-paralyze ang operation. But then, hindi kami nag-close, patuloy pa rin ‘yung serbisyo namin sa mga tao,” sabi ni Audan.


Gayundin, humingi na ang pamunuan ng ospital ng karagdagang personnel mula sa Department of Health (DOH), subalit ani Audan, ang ahensiya ay wala ring sapat na staff para ibigay sa kanila.


Ayon kay Audan, sumulat na rin ang ospital kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., hinggil sa request nila na mga health workers na mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Una nang natugunan ng mga naturang ahensiya ang kakulangan ng staff sa SPMC nang maitala ang unang surge ng COVID-19 sa Davao Region noong nakaraang taon. Subalit, bumalik din ang mga personnel na ito matapos na lumuwag ang sitwasyon sa lugar.


Samantala, parehong ang ICU at ward bed utilization rates sa SPMC ay umabot na sa 100 percent, kung saan ang lahat ng kanilang 87 ICU beds at 473 ward beds ay okupado na.


“Wala kaming problema mag-expand. In fact, mayroon kaming waiting na another 60 beds for expansion. The problem is ’yung staffing talaga,” sabi pa ni Audan.


Ang SPMC, isa sa pinakamalalaking mga ospital sa bansa, ay pangunahing ginagamot ang mga moderate hanggang critical COVID-19 cases dahil na rin ito sa pagdami ng mga pasyenteng tinatamaan ng coronavirus.


Gayundin, pansamantalang isinara ng ospital ang kanilang outpatient department na face-to-face services, habang pinayuhan ang mga pasyenteng mag-virtual consultation na lamang sa ngayon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page