ni Lolet Abania | March 19, 2022
Ipinahayag ng Land Bank of the Philippines ngayong Sabado na tinatayang 87,500 jeepney drivers sa buong bansa ang nakatanggap na ng fuel subsidies na nagkakahalaga ng P6,500 bawat isa mula sa gobyerno sa unang linggo ng pamamahagi ng cash aid sa gitna ng sunud-sunod na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang statement, sinabi ng Landbank na katuwang nila at sa koordinasyon ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakapag-credit sila ng kabuuang fuel subsidies na P569 milyon para sa umiiral nang Pantawid Pasada cash cardholders sa ilalim ng Fuel Subsidy Program hanggang nitong Marso 17, 2022.
Umabot sa mahigit 377,000 benepisyaryong public utility vehicles (PUV) na mga drayber ang eligible na makatanggap ng cash aid sa ilalim ng naturang subsidy program.
“Landbank is one with the National Government in providing immediate support interventions to PUV drivers to weather the impact of the fuel price surge. We are working closely with the DOTr and LTFRB to complete the distribution of the fuel subsidy to all beneficiaries nationwide at the soonest time possible,” pahayag ni Landbank president at CEO Cecilia Borromeo.
Bukod sa mga jeepney drivers, kabilang din sa Fuel Subsidy Program beneficiaries, ang mga drayber ng UV Express units, minibuses, mga bus, shuttle services, mga taxi, tricycles, at iba pang full-time ride-hailing at delivery services sa buong bansa.
Ayon sa Landbank, ang mga benepisyaryong drayber na walang Pantawid Pasada cash cards ay mabibigyan din at makakakuha nito mula sa mga itinalagang sangay ng Landbank na tinukoy ng LTFRB.
Ang Pantawid Pasada cash cards ay maaaring magamit para pambili ng langis sa mga fuel stations nationwide.
Patuloy naman ang Landbank na makikipag-partner sa national government agencies upang matiyak ang napapanahon, ligtas at episyenteng paghahatid ng mga financial interventions sa mga eligible na mga benepisyaryo.
Comments