Julie Bonifacio - @Winner | May 02, 2021
Plano ng komedyanteng si Teri Onor na tumakbo bilang mayor sa kanilang lalawigan sa Abucay, Bataan sa 2022 national elections. Nais ipagpatuloy ni Teri ang pagseserbisyo sa gobyerno at mga kababayan niya after matapos ang term niya bilang board member sa Abucay noong 2019.
Pero depende pa rin daw ito kung matutuloy ang plano ng kanilang samahan na One Bataan na patatakbuhin ang misis ng current mayor ng bayan nila sa next election. Anuman daw ang maging desisyon ng grupo, susunod lang daw siya tulad ng isang magiting na sundalo.
Nakausap namin si Teri sa programang #CelebrityBTS Bulgaran Na hosted by Ateng Janiz Navida and yours truly kahapon, 11 AM, sa Facebook page ng BULGAR.
Tinanong ni Ateng Janiz si Teri tungkol sa pinag-uusapan at kontrobersiyal na community pantry sa bansa.
“Magandang idea po 'yan at hindi ko tinututulan ‘yan. Pero ako po, sa personal ko, si Teri Onor ba, gagawin ang community pantry?
“Hindi po. Hindi ko po gagawin. Kasi meron naman po tayong ginagawa sa bawat barangay, sa bawat LGU, sa bawat munisipyo po, ‘yung relief operation. ‘Yung food packs? ‘Yung food packs po, ibinibigay po ‘yan. Magandang ideya ‘yung nagtutulungan, may nagbibigay, tapos may kukuha po ayon sa pangangailangan.
“Sa akin pong personal na pananaw, uh, siguro po, hindi ko gagawin. Bagkus, doon na lang sa old way, i-pack mo ‘yan, ibigay mo sa bawat tahanan, para hindi lumabas ‘yung mga tao. Kasi nga, meron tayong social distancing na ipinapatupad para iwasan ang virus.
“Bahay-bahay na lang po natin. Kasi, ang layunin naman natin is magbigay,” pahayag ni Teri.
Muli ay nilinaw niya na hindi siya tutol sa pagtatayo ng community pantry.
“Kasi kani-kanya naman tayo ng interpretasyon ng pagtulong. ‘Yung sa akin po, sa personal ko po, ganu'n po. Plus, nakikita ko kasi, ang daming nakalatag na pagpipilian (sa community pantry), pero merong nakabantay na… o may nakasulat, 'Kumuha ka lang ayon sa pangangailangan.' Or, ‘pag may kukuha, 'Kuha ka lang ng isa niyan, kuha ka ng dalawa, kasi marami pa (ang nakapila).'
"'Paano ang pangangailangan ko? Malaki ang pamilya ko, kailangan ko ng apat na ganyan,' ‘di ba? Or 'Sa laki ng pamilya ko, ang kailangan ko na de-lata, anim. Kasi hindi po kasya sa amin ang isa lang. Or ganito po.' Pero dahil sa may bantay, ganyan lang, limited.
"Parang na-deprived or tipong nalimitahan, parang natakam lang. Sa dami ng nakalatag, parang natakam lang. Eto lang ang nakuha ko, isang tali ng ganito, isang tali ng ganyan.
“Kaya para mas maganda, para walang samaan ng loob, kung mamimigay ka, kunwari community pantry, nand’yan po. So, iempake mo na, halimbawa, isang tali ng kangkong, isang tali ng sitaw, ilang pirasong talong. I-pack mo na siya. Tapos, ipamigay mo sa bawat tahanan.
“Kasi, alam naman natin, kahit anong gawin natin na patakaran, ‘O, pumila. Layu-layo,’ ‘pag may ganyan kasi, hindi na kasi talaga mapipigilan ang mga tao.
“Wala na silang pakialam kahit magdikit-dikit sila. So, ikaw, bilang ikaw ang mas nakakaintindi, huwag mo nang gawin. Kasi, alam naman natin na hindi mo mapipigilan ang emosyon ng tao. Pero hindi ibig sabihin, gutom sila.
“Kasi 'yung iba, kaya nagpunta, dahil artista siya, pupuntahan kita. Makikiusyoso lang. Likas sa mga Pilipino ang ganu'n,” esplika pa niya.
Nilinaw din ni Teri na hindi siya against sa naging pahayag ng aktres na si Angel Locsin na gutom lang ang mga tao kaya may mga sumingit sa pila.
“Tama si Angel doon, gutom na ang mga tao dahil alas-tres nang madaling-araw, nakapila, eh. Ilang oras nang nakapila ang mga tao roon. Kaya nasabi ni Angel ‘yun, gutom na ang mga tao.
“‘Yung iba kasi, iba ang interpretasyon sa pagkakasabi ni Angel. Pero ako, ang interpretasyon ko doon sa sinabi ni Angel Locsin, gutom na ang mga tao, gutom na dahil madaling-araw pa nakapila. ‘Yan ang interpretasyon ko sa sinabi ni Angel. Pero ‘yung iba, binigyan ng ibang interpretasyon. Gutom na sila kaya sila nakapila doon.”
May mga community pantry na rin daw sa bayan niya sa Abucay.
“Hindi natin puwedeng saklawan ang hangarin ng iba na makatulong sa kapwa. Pero sa Bataan, maayos. Ang ating kapulisan sa Abucay , ang kanilang mobile, ginagamit nila. Pumupunta sila sa bawat barangay. Tapos, doon sila naglalagay ng lamesa para sa community pantry nila. Pero nakikita po namin na maayos ang pila.”
In-encourage rin ni Teri ang publiko na magpabakuna.
“'Di ba, sabi nila, ano ‘yung best vaccine? Ang best vaccine po ay available vaccine. Hindi ako namimili. Kung ano ang available, I’ll grab it. Kasi ‘yun ang best vaccine.”
Tiwala naman daw siya sa vaccine na itinuturok ng gobyerno sa mga Pinoy dahil hindi naman daw hahayaan ng mga namumuno na mapahamak ang kanilang mga nasasakupan.
“Imagine, buong miyembro ng pamilya mo, papayag ka na matuturukan ng ganoon? At wala naman pong papasok dito sa atin sa Pilipinas na ganoong vaccine na makakasira sa ating kalusugan. Binusisi naman po 'yan ng Dept. of Health at ng ating vaccine czar. They made sure na okey ang bakunang ituturok sa atin."
Nabakunahan na raw ang 83-anyos na nanay ni Teri, pero siya ay hindi pa.
"Bigyan natin ng pagkakataon ang iba. Ayoko po kasi talaga ‘yung palakasan system. ‘Yung mauna ako? Hindi. ‘Pag time na namin, turn na namin, doon pa lang ako. At pipila rin ako.”
Tumaas daw ang blood pressure ng kanyang Inang after maturukan ng vaccine. Pero hindi naman daw pinabayaan ng mga doktor at ng mga nurse. Agad na pinainom ng gamot sa high blood ang kanyang nanay. Takot daw kasi talaga sa injection ang kanyang Inang kaya tumaas ang BP.
Comments