ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 29, 2021
Sinibak sa puwesto ang hepe ng Quezon City Police Station 3 kaugnay ng pag-deploy sa mga pulis sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit hindi pa nila nakukuha ang kanilang COVID-19 test result.
Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, "In view of the apparent breach of protocol when most of these PNP personnel were deployed for SONA duties even if they were still waiting for their RT-PCR results, I have already ordered the administrative relief of the Station Commander, Police Station 3 of the QCPD, for command responsibility."
Aniya, matapos makuha ang resulta kung saan lumalabas na 82 pulis ang nagpositibo sa COVID-19, kaagad na isinailalim ang iba pang QCPD personnel sa RT-PCR at nagsagawa na rin ng contact-tracing simula pa noong Miyerkules. Sa ngayon ay hinihintay pa ang RT-PCR results ng 167 pang PNP personnel.
Ani Eleazar, "Hindi pa natin alam kung Delta variant ang tumama sa aming mga kasamahan sa QCPD kaya nakikiusap tayo sa ating mga kababayan na iwasan ang mga espekulasyon tungkol dito. "But your PNP has long prepared for all worse-case scenarios like this, which include aggressive vaccination and preparing for more isolation and medical facilities, so we assure the relatives of those who were infected and also our kababayan of full attention and care for our personnel."
Samantala, nanawagan din si Eleazar na itigil ang pambabatikos at ang mga "unnecessary and insensitive comments" sa mga kapulisan na tinamaan ng COVID-19.
Aniya, "Huwag sana nating kakalimutan na kaya naman sila na-deploy ay para tiyakin na mapayapa at maayos na maisagawa ang karapatan ng ilan nating kababayan na magprotesta at maghayag ng saloobin habang pinapangalagaan din ang karapatan ng mga motorista at mga kababayan nating commuters na hindi maabala ng mga kilos-protesta sa mga lansangan na regular na dinadaanan nila.
"Hindi makatwiran at hindi makatao na hamakin pa ang ating kapulisan sa kabila ng kanilang sinapit dahil halos lahat ng mga pulis na tinamaan ng COVID ay dahil naman sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Sila ay may mga pamilyang nag-aalala rin at higit sa lahat, sila ay kapwa natin Pilipino, kaya nakikiusap tayo na maging sensitibo tayo sa ating mga binibitawang salita."
Comments