ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 28, 2025

80th birthday ngayon ni Digong.
Extreme celebration si Tatay.
----$$$--
WALA sa hinagap ni Digong at ng kanyang pamilya na sa The Netherlands siya mag-ootsenta-anyos.
At huwag ka, ipagdiriwang ang kanyang birthday sa malalawak na parke sa Pilipinas — at buong mundo — nang sabay-sabay.
Higit sa pangarap niya ang natupad.
-----$$$--
NAALALA natin ang isang dating presidential candidate na naging mayor pa at kongresista ay namatay nang mahulog habang nagkukumpuni ng bubong.
Ganyan din ang naging kamatayan ng isang lider ng militanteng grupo, nahulog mula sa bubong na kanyang inaatipan.
-----$$$--
ANG dalawang lider-mamamayan na ito ay nabingit ang buhay sa panganib ng serbisyo-publiko, at ang militanteng lider kung sakaling namatay sa gitna ng kilos-protesta o napatay ng pulis o military — ay tiyak na magiging martir.
Pero, nakakahinayang ang kanilang “pagkamatay” — sa isang walang kuwentang aktibidad o sitwasyon.
----$$$--
NAPAKASUWERTE ni Digong kapag binawian siya ng buhay sa loob ng karsel o kahit sa pag-uwi niya ay binawian siya ng buhay sa gitna ng kaliwa’t kanang demonstrasyon.
Mas makulay at makabuluhan ang kamatayan habang may ipinakikipaglabang adhikain kaysa sa tahimik na nagbabakasyon sa Davao at namatay sanhi ng ordinaryong sakit gaya ng diarrhea o dengue o trangkaso o pagkabangga ng motorsiklo.
-----$$$--
ANG kuwentong “Pagong at Matsing” ni Dr. Jose Rizal ay puwedeng magamit dito dahil dinampot si Digong upang ihagis ng karagatan kung saan lihim niyang nais malublob — ang isyu ng giyera kontra droga.
Tama, ang ilang komento na nagsasabi na “hindi dapat bawian ng buhay si Digong ngayon habang nasa loob ng karsel”.
----$$$--
Mas mainam umano ay magtagal pa si Digong sa karsel at magdusa.
Pero, ang pagong ay lihim na nagsasaya habang lumalangoy sa ilog matapos ihagis ng matsing.
-----$$$---
SA totoo lang, hindi si Digong ang tunay na isyu sa sitwasyon, bagkus ay ang posibilidad na maupo sa Malacañang ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa 1.3 milyong Pinoy, sa ngayon — tanging si VP Sara — ang may pinakamalapit na tsansa na maging pangulo sapagkat siya ay No. 2 leader ng bansa — wala nang iba pa.
-----$$$---
SA ayaw at sa gusto natin, ang sitwasyon ni VP Sara ay kainggit-inggit dahil oras-oras ay siya ang pinag-uusapan.
Wala nang ganitong klase ng personalidad sa pulitika sa bansa ang may ganyang biyaya ng publisidad.
----$$$---
HARINAWA ay maging mapayapa ang ating bansa sa gitna ng maselang sitwasyong ito.
Hindi sinasadya ay napag-uusapan ang soberanya.
Kapag soberanya, kakambal niyan ang seguridad ng bansa.
----$$$--
AMINADO ang lahat na hindi inilalantad sa publiko ang ilang detalye kaugnay sa pag-aresto kay Digong.
Hindi na tayo dapat pang magtanong.
Mag-abang na lang tayo ng opisyal na pahayag ng Malacañang.
Minsan may nagsabi, mas mainam na manahimik kaysa sumawsaw sa masasalimuot na diskusyon.
‘Yan lang muna tayo, tipi-tipi-tipitin!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments