top of page
Search
BULGAR

800 toneladang basura, nahakot ng DENR

ni Zel Fernandez | April 29, 2022



Tinatayang aabot umano sa mahigit 800 toneladang basura ang nakolekta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon sa unang quarter ng 2022.


Sa tulong ng mga trash traps at regular na paglilinis ng mga river rangers, napigilang umagos patungong Manila Bay ang tone-toneladang basura na karamihan ay nagmula umano sa mga lalawigan ng Calabarzon.


Sa tala ng DENR, ang mga nahakot na basura ay mula sa pinagsama-samang bilang ng Cavite na umabot sa higit 600 tonelada; Rizal na aabot sa 120 tonelada; Batangas na mayroong 68 tonelada, at Laguna nasa 56 na tonelada.


Habang sa kabuuan ay 600 tonelada ng mga nakolektang basura ng mga river ranger ang nagmula sa iba’t ibang lalawigan ng Calabarzon, ang natitirang 200 tonelada ay naipon naman ng mga trash trap.


Kaugnay nito, ang mga nakolektang solid waste ay itinapon sa iba’t ibang sanitary landfills at materials recovery facility sa tulong ng mga tinukoy na lokal na pamahalaan.


Ayon sa DENR Calabarzon, ngayong taon ay magdaragdag pa ng mga trash traps sa mga natukoy na daluyan ng tubig sa apat na probinsiya na sakop pa rin umano sa Manila Bay Region.


Gayundin, patuloy na magtatalaga ang kawani ng mga tagapangasiwa ng ilog upang regular na magsagawa ng paglilinis sa iba’t ibang tributaryo ng Manila Bay sa loob ng rehiyon.


Samantala, nananawagan ang DENR sa publiko na sundin ang wastong paghihiwalay o pag-uuri ng basura at ang pagtatapon nito sa mga angkop lugar upang maiwasang mapunta ito sa Manila Bay at iba pang mga karagatan sa bansa.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page