ni Lolet Abania | May 5, 2022
Umabot sa tinatayang 80 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog sa Malabon City ngayong Huwebes nang madaling-araw.
Batay sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 25 bahay umano ang natupok matapos na sumiklab ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Fire Officer 4 Rizaldy Evangelista, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang tirahan sa Barangay Catmon, Malabon, habang mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang mga gawa sa mga plywood at yero.
Sinabi naman ng BFP, walang nai-report na nasawi o nasugatan sa insidente.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang naging dahilan ng sunog.
Comments