top of page
Search
BULGAR

80% ng factory workers, maka-Marcos... Leni, niligawan ang mga BBM supporters sa isang pabrika

ni Zel Fernandez | May 1, 2022



Walong araw bago ang eleksiyon, pinaunlakan umano ni presidential candidate VP Leni Robredo ang imbitasyon ng mga BBM supporters, ayon sa isang post ng Facebook page ni dating senador Antonio Trillanes.


Batay sa naturang post, “Natatandaan po ba ninyo ang tatlong BBM supporters na kinausap natin? Inimbitahan po si VP Leni sa factory kung saan sila nagtatrabaho. Siyempre po, pinaunlakan ito ni VP dahil sanay po siyang lumapit at lumapat sa karaniwang tao, supporter man niya o hindi. Panoorin po natin ang pagharap at pagsagot ng ating Presidente sa mga tanong ng BBM supporters.”


Kaugnay nito, sa video ay mapapanood na personal na dinayo ni Robredo ang isang garment factory kung saan sinasabing 80% ng mga empleyado nito ay mga supporters ng mahigpit na katunggali nito sa pagka-pangulo na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.


Doon ay nakipagtalakayan sa mga factory workers si Robredo at sinagot ang mga katanungan ng mga BBM supporters tungkol sa kanyang mga plataporma, solusyon, at programang ipapatupad kung siya ang maihalal na pangulo ng Pilipinas sa papalapit na 2022 national elections sa Mayo 9.


Kabilang sa mga tanong na sinagot ni Robredo ang dahilan ng pagtakbo niya sa pinakamataas na posisyon. Paliwanag niya, mas makabubuti umanong ang maihalal na pinuno ng bansa ay matagal nang nakakasalamuha ng mga nasa laylayan para malaman nito ang problema ng mga nasa marginalized sector at kung anong paraan aniya ang kailangan para matugunan ito.


Ani Robredo, “Para sa ‘kin, ‘yun ‘yong nagtutulak sa 'kin na dahil mahaba ‘yung panahon na talagang nasa communities ako, mas ramdam ko ‘yung pangangailangan.


“Ang pakiusap ko, hindi ko kayo kukumbinsihin ngayon. Mahirap na magdedesisyon kayo dahil lang nakausap ko kayo. Mas mabuti na magdedesisyon kayo, ‘pag napag-aralan n’yo kung sino talaga kami.”


Payo pa ng bise presidente, kilatising mabuti kung totoo ba ang mga sinasabi ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga nagawa nito, tulad halimbawa ng mga naihain nitong batas sa Kongreso.


Pakiusap pa ng presidential candidate, huwag umanong sayangin ang pagkakataong maihalal ang lingkod-bayan na higit na makatutulong sa mamamayan ng bansa.


Giit ni Robredo, “Ang pakiusap ko, huwag nating sasayangin ‘yung pagkakataon na pumili kung sino (ang) makakabuti sa ’tin. Hindi n’yo masasabing mabuti kami o masamang tao sa isang tinginan lang, eh. Masasabi n’yo kung mabuti o masama kaming tao sa mahabang panahon ng panunungkulan namin.”


Gayundin, nagpaalala si Robredo na ang pagtupad sa pangako ay hindi sa salita lamang, at sa halip ay nakikita umano sa buhay ng mga natulungan ng isang kandidato.


Samantala, kabilang sa mga platapormang ihinain ni VP Leni sa mga BBM supporters ng garment factory ay ang pag-appoint sa mga kawani ng pamahalaan na dapat ay hindi politikal kundi pagiging kuwalipikado sa posisyon, pagiging transparent ng gobyerno sa taumbayan, at ang pagpapatayo ng people’s council na layuning magbigay-boses sa mga hinaing ng taumbayan.


Recent Posts

See All

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page