ni Lolet Abania | October 23, 2022
Mahigit sa walong tonelada ng capiz shells ang nasabat ng mga awtoridad dahil sa kakulangan umano ng mga kinakailangang dokumento sa isang port sa Ormoc City nitong Sabado.
Nakalagay ang mga shell ng capiz sa mga sako na nakakarga sa isang truck sa pantalan sa Barangay Punta nang sitahin at inspeksyunin ng mga awtoridad. Galing umano ang mga ito sa Sorsogon habang isasakay na ng barge patungong Mandaue, Cebu.
Batay sa report, wala umanong sapat na dokumentong maipakita ang driver at pahinante ng truck tungkol sa dala nitong mga kargamento.
Nabatid na aabot lamang sa 1.5 tonelada ng capiz shell ang nakalagay sa auxiliary permit, subalit lumabas na nasa 8.4 tonelada ang naturang kargamento, ayon pa sa mga awtoridad.
Agad naman nila itong kinumpiska dahil sa paglabag sa Fisheries Administrative Order 157 o “Rules and regulations on gathering, taking, removing, or collecting of “kapis” of the species Placuna Placenta in the Philippine waters”, kung saan bawal ang pagkuha at pagkolekta ng capiz shells nang walang kaukulang permit.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad habang inaalam na rin nila kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing capiz shells, na kadalasang ginagamit sa paggawa ng mga dekorasyon at parol.
تعليقات