ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 5, 2021
Walo ang sugatan matapos magsalpukan ang bus at ambulansiya sa EDSA Shaw tunnel noong Biyernes nang gabi.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Traffic Chief Bong Nebrija, isinugod sa Mandaluyong City Medical Center ang walong sugatan sa insidente.
Aniya, pumasok sa bus lane ang ambulansiya na saktong pagdating naman ng bus.
Saad ni Nebrija, “Papasok siya to get in the busway para mapabilis din siya, ma-traffic. May paparating na bus. Ewan ko kung nakita niya, sabi niya, nakita niya, pero apparently, hindi niya iniwasan.”
Nang bumangga umano ang bus sa ambulansiya ay tumaob ito.
Aniya, “Natanggal po ‘yung portion ng center island natin and so many barriers have been knocked down again, ano? At tumaob pa ‘yung ambulansiya.”
Nilinaw din ni Nebrija na priority pa rin ang mga bus sa bus lane.
Pahayag ni Nebrija, “Ang sinasabi ko, even though they could use it, they are not the priority. Ang priority pa rin is ‘yung bus. So if they want to use it and there’s a bus coming in, they need to give way to the bus.
“Eh, lalung-lalo na itong ambulansiyang ito, wala namang laman. Ang kine-claim niya, may pi-pickup-in siyang pasyente. I do not know what’s the level of emergency nu’ng pi-pickup-in niya.”
Samantala, sugatan sa insidente ang driver ng bus, konduktor at anim na mga sakay nitong pasahero.
Patuloy pa ring isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
Comments