ni Julie Bonifacio @Winner | April 24, 2023
Lumantad na rin sa wakas ang isa sa mga sikat na teenage idols noong dekada '80 na si JC Bonnin sa social media.
Nakapanayam ni Bunny Paras si JC sa Amerika at mapapanood ito sa kanyang self-titled YouTube channel, ang Saira Bunny Paras.
Natiyempuhan ni Bunny si JC, ang misis nito and their two kids sa West Covina, California.
Kabilang si JC sa iconic movie noon ng Viva Films na Bagets with Aga Muhlach, William Martinez, former QC Mayor Herbert Bautista at Raymond Lauchengco.
Maganda pa ang takbo ng showbiz career ni JC noong dekada '90, pero bigla na lamang siyang nawala at naglaho sa sirkulasyon.
"I left show business when I was 19. The height of my career, yeah," sabi niya kay Bunny.
Sa ngayon ay 54 years old na si JC. Pero, tama si Bunny nang sabihin nito na parang bagets pa rin ang hitsura ng aktor at parang hindi tumatanda.
Sa Flor de Luna nagsimula ang showbiz career ni JC at 13 years old lang pala siya noong panahon na 'yun. Tumagal lang ito ng 6 na taon sa industriya.
Pumunta siya ng London noong taong 1991 at nanirahan nga roon sa loob ng 12 years.
"I went there for ministry. I'm a missionary," sambit niya.
"I think that time, I didn't know that God is calling me. But I felt a very deep, profound spiritual calling... it felt like I was being pulled. There was a very strong pull. And there was definitely a call. A call to, uh, like, a deeper life that helped me understand life - more about life."
Nagsimula raw 'yun nu'ng uma-attend siya ng mga Bible studies sa Pilipinas. Talagang na-amazed siya sa mga nabasa niya sa Bible, hanggang sa pinag-aralan na nga niya ito at nagkamit pa siya ng masteral degree sa Theology.
Bigla raw niyang naramdaman na may calling sa kanya ang Panginoon kaya nagpunta siya ng London at doon ay naging pastor si JC for 20 years.
Doon na siya nakapag-asawa ng Amerikana at nagkaroon sila ng pitong anak. And now, may bago siyang misis na Amerikana rin.
Nakatira sa yayamaning house na katabi ng dagat sa San Clemente, California si JC with his new wife at ang 18-month-old na baby girl nila.
Si JC ay may apat na lalaki at apat ding babaeng anak ngayon. Ang panganay naman ng dating teen idol ay 27 years old na.
Ang mga anak niyang nasa hustong edad na ay bumukod na sa kanya, pero magkakalapit lang naman daw ang bahay ng mga ito sa isa't isa.
Tinanong din ni Bunny si JC kung nami-miss niya ang pag-aartista.
"Uh, sometimes, yeah, when I think about it, siyempre naman," aniya.
Pinsang buo ni JC ang beauty queen-actress na si Charlene Gonzales at ang kapatid nito na si Richard Bonnin.
Ang tatay nina Charlene at Richard na si Bernard Bonnin na isa ring action star noong araw ay ang youngest brother ng tatay ni JC.
Kaya suma-total, "cousin-in-law" na ni JC ang asawa ni Charlene na si Aga. Pamangkin din niya sa pinsan ang kambal na anak ng celebrity couple na sina Atasha at Andres.
Comments