ni Lolet Abania | September 22, 2021
Walong madre ang nasawi mula sa Congregation of the Religious of the Virgin Mary (RVM) Sisters matapos na magpositibo sa COVID-19.
Ayon sa pamunuan ng RVM ng Radyo Veritas, pawang mga nasa edad 80 hanggang 90 ang mga namatay na nakabilang sa 62 madre na nagpositibo sa COVID-19 mula Saint Joseph Home at kumbento ng mga RVM Sisters na matatagpuan sa Quezon City.
Sinabi ni RVM Sister Ma. Anicia Co, spokesperson ng kongregasyon, bukod sa mga madre, nakasama rin sa nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 52 personnel ng kumbento. “The personnel are still young so they are on the road to recovery. Some Sisters are moving from symptomatic to asymptomatic. Eight of the Sisters, aged 90s and 80s, afflicted with COVID returned home to our heavenly Father,” pahayag ni Sister Co sa isang panayam ng Veritas.
Nilinaw naman ni Sr. Co ang mga naiulat na ang dahilan ng outbreak umano sa loob ng kumbento ay sanhi ng hindi pa pagpapabakuna ng mga RVM Sisters at mga personnel nito. Giit ni Sister Co, wala itong katotohanan dahil nitong Mayo at Hunyo ay isinagawa ang unang batch ng pagbabakuna sa mga RVM sisters habang sinundan naman ito ng ikalawang batch ng vaccination kontra-COVID-19 nitong Hulyo. Paliwanag pa ni Sister Co, ang mga hindi lamang nabakunahan ay ang walong madre na nasawi dahil sila ay nakaratay na rin sa sakit sa loob ng kumbento.
“It was not the decision of the RVM congregation, nor the leaders nor the Sister Administrator of the St. Joseph Home that they would not be vaccinated. The Sister Administrator actually followed up later for their vaccination but it did not come soon,” sabi ni Sister Co.
Patuloy naman na humihiling ng panalangin ang mga apektadong RVM sisters para sa kanilang paggaling at ang iba pang madre at personnel.
“Please pray for us especially our Sisters in St. Joseph Home. May our Sisters come to full recovery. May God grant strength to our other Sisters in the communities in the compound strength to continue serving the affected community,” wika ni Sister Co, habang labis ang kanilang pasasalamat sa mga nagbibigay ng suporta at panalangin.
Nauna nang isinailalim sa lockdown ang kumbento dahil sa naganap na COVID-19 outbreak sa loob nito.
Pinayuhan din ng madre ang publiko na maging maingat sa mga mapagsamantalang indibidwal na ginagamit ang pangalan ng kumbento.
“The RVM Secretariat has received reports of solicitation of funds using our name. [It] was found out [that it was] a false account using the name of an RVM Sister. We ask our benefactors, alumni and friends who want to help to verify with the RVM Secretariat before they send any financial assistance,” ani Sister Co.
Comments