ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 30, 2022
Walong matinik na koponan ang magtatagisan sa pangalawang edisyon ng Chooks To Go 3x3 Asia-Pacific Super Quest ngayong Sabado, Abril 30, sa Solenad sa Santa Rosa City, Laguna simula alas-12:00 ng tanghali. Ang isang araw na torneo ay hudyat ng pagbabalik ng 3x3 sa mga mall at magsisilbing qualifier para sa 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Mayo 28 at 29.
Ipagtatanggol ng Tokyo Dime ng Japan ang korona na napagwagian nila sa unang Super Quest noong Abril, 2019 sa SM Megamall. Ang numero unong bansa sa Asya sa 3x3 na Mongolia ay may dalawang kinatawan na Sansar MMC Energy at Zaisan MMC Energy.
Hindi magpapahuli ang punong-abalang Pilipinas sa kanilang tatlong pambato na Cebu Chooks, Manila Chooks at Butuan Chooks. Binubuo ang walong kalahok ng Melbourne ng Australia at Tangerang ng Indonesia.
Naglaro ang Cebu sa Doha Expo Super Quest noong nakaraang Marso at tatampukan ng numero unong manlalaro ng bansa na si Mark Jayven Tallo kasama sina Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu. Nasa Manila sina Mark Yee, Chico Lanete, Dennis Santos at Henry Iloka, habang ang bagong tatag na Butuan ay kabilang sina Joshua Webb, Jun Gabriel, Ron Dennison at Alvin Baetiong.
Hinati ang walong koponan sa dalawang grupo ng apat at maglalaro ng single round o tigatlong beses. Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout crossover semifinals at finals para sa $10,000 (P523,650) at tiket sa Manila Masters.
Nasa Grupo A ang Zaisan, Tokyo, Manila at Melbourne, habang nabunot sa Grupo B ang Sansar, Cebu, Tangerang at Butuan. Maliban sa 3x3, aabangan din ang Slam Dunk Contest na gaganapin bago ang finals.
Biglang umikli sa isang araw ang torneo matapos hindi tumuloy ang ilang pambansang koponan na kasali sa parating na 31st Southeast Asian Games. Kinailangan nilang pumasok sa bubble bilang bahagi ng itinakdang health at safety protocol ng punong abalang Vietnam.
Comments