ni Lolet Abania | July 12, 2022
Nakapagtala ng nasa 79 karagdagang kaso ng Omicron subvariants BA.5, BA.2.12.1, at BA.4 ng COVID-19 na na-detect mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa DOH briefing ngayong Martes, ini-report ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mga bagong kaso ay naitala mula Hulyo 7 hanggang 11, kung saan 60 cases ng BA.5, 17 cases ng BA.2.12.1, at 2 cases ng BA.4.
Sa bagong BA.5 infections, 58 indibidwal ay mula sa Western Visayas, at tig-isa mula sa Davao Region at Soccsksargen.
Ayon kay Vergeire, umabot na sa kabuuang bilang na 293 ang BA.5 cases na na-detect sa bansa.
Sinabi ng DOH na 43 sa naturang bagong BA.5 cases ay itinuturing na nakarekober na, 14 ang sumasailalim pa sa isolation, habang ang kondisyon ng natitirang tatlo ay bineberipika pa.
Isa sa mga kaso ay nakitaan ng mild symptoms habang ang tinatawag na disease severity ng 59 pasyente ay inaalam pa.
Isa sa mga indibidwal ay unvaccinated, habang ang vaccination status ng ibang kaso ay bineberipika pa.
Ang kanilang exposure sa virus at mga travel histories ay hindi pa mabatid.
Sinabi naman ni Vergeire, 6 sa 17 bagong BA.2.12.1 cases ay mula sa Western Visayas, 10 mula sa Davao Region, habang ang isa ay returning overseas Filipino (ROF).
Sa ngayon ani kalihim, may kabuuang 87 kaso ng BA.2.12.1 ang na-detect sa bansa.
Kinokonsidera ang 15 sa mga ito na nakarekober na habang ang 2 iba pa ay nananatili sa isolation.
Dalawa sa mga pasyente ay nakitaan ng mild symptoms, isa ay nakaranas ng severe symptoms, isa ay asymptomatic, habang ang kondisyon ng natitirang 13 ay bineberipika pa.
Ang kanilang exposure sa virus at travel histories ay inaalam pa rin.
Tig-isang kaso naman mula sa Davao Region at Soccsksargen, ang nagpositibo sa test para sa Omicron BA.4 subvariant ng COVID-19.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang bilang na 12 ang BA.4 cases sa bansa, base sa latest genome sequencing run.
Ayon pa kay Vergeire, parehong kaso ay nakitaan ng mild symptoms habang itinuturing ang mga ito na nakarekober sa sakit.
Isa sa kanila ay fully vaccinated habang ang isa naman ay unvaccinated.
Ang kanilang exposure sa virus at travel histories ay hindi pa mabatid.
Kommentare