top of page
Search

79,020 guro at staff na hindi bakunado ang kahalubilo ng mga estudyante sa pag-arangkada ng klase

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 24, 2022


Napakalaki talaga ng kinahaharap na hamon ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice-President Sara Duterte na siya ring tumatayong DepEd Secretary sa simula pa lamang nang pagbubukas ng klase noong nakaraang Lunes.


Gayunman, kitang-kita ang determinasyon ni VP Sara nang largahan na ang desisyon na payagan na ang mahigit sa 53,000 na pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na magpatupad na ng face-to-face classes mula noong Agosto 22.


Nasa 24,175 dito ay 5-day full face-to-face classes na, habang higit 29,000 naman ang blended learning o magkahalong in-person at online classes, samantalang nasa 1,004 lang ang magpapatupad ng full distance learning.


Base sa ipinalabas na panuntunan ng DepEd para sa school year 2022-2023—mula Agosto 22 hanggang Oktubre 31 ay maaaring magpatupad ang mga pampubliko at pribadong paaralan ng 5-day full in-person classes, blended approach at full distance learning.


Mariin ang kautusan sa mga magpapatupad ng face-to-face classes na kailangang sundin ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, disinfection at hangga’t maaari ay magkaroon pa rin ng physical distancing.


Higit sa lahat ay siniguro ng DepEd na nakahanda ang COVID-19 containment strategy sa mga paaralan sakaling may estudyante o guro man na makitaan ng sakit tulad ng sintomas ng COVID-19 na ngayon ay unti-unti na namang nararamdaman ang pagtaas ng kaso.


Tiniyak din ng DepEd na bawat paaralan ay may stock ng face mask, alcohol at may gagamiting thermal scanner para masigurong natututukan ang kaligtasan ng bawat mag-aaral.


Base ulat ng DepEd ay mahigit sa 27 milyong estudyante ang nag-enroll para sa school year 2022 -2023 na nasa 96% ito sa target enrollees ng DepEd na 28.6 million students.


Medyo nakaka-alarma lang ang inilabas na datos ng DepEd na mayroong 79,020 guro at non-teaching personnel sa buong bansa ang hindi pa bakunado kontra COVID-19. Nasa 37,000 umano ang hindi bakunado sa hanay ng mga elementary school teacher samantalang nasa 42,020 non-teaching personnel naman ang hindi pa bakunado laban sa COVID-19.


Wala naman umanong magawa ang pamunuan ng DepEd dahil sa hindi naman requirement ang pagpapaturok ng bakuna sa bansa kaya kahit delikado na makasalamuha ng mga mag-aaral ang mga gurong walang bakuna ay tuloy pa rin ang klase.


Huwag naman sanang ang mga guro at mga non-teaching personnel pa ang maging dahilan para mahawa ang mga batang kahalubilo nila sa eskwela. Kung anuman ang kani-kanilang dahilan, huwag na sanang sila pa ang maging dahilan para tumanggi naman sa bakuna ang iba.


Sa ngayon ay wala naman tayong magagawa kung hindi ang bilinang mabuti ang mga mag-aaral na seryosong sumunod sa umiiral na health protocol.


Mabuti nga at nasa 5.3 milyon na ng mga nakapag-enrol na estudyante ang fully vaccinated habang 5.7 milyon ang partially vaccinated na lubang napakababa kumpara sa 27 milyong nag-enroll na.


Tiniyak naman ng pamunuan ng DepEd na hindi magkakaroon ng diskriminasyon sa pagitan ng mga estudyante at guro na hindi bakunado kontra COVID-19 ngunit hindi maiaalis na mag-alala ang mga magulang dahil sa ulat na ito.


Hindi ba’t maging si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM) ay nagpahayag na dapat palawigin pa State of Public Health Emergency (SPHE) hanggang sa katapusan ng taon upang matutukan pa ang pagtugon sa COVID-19 pandemic para malabanan ang global crisis na ito na malaking banta sa ating kalusugan.


Ang pagpapalawig ng State of Calamity (SOC) ay magpapahaba rin sa bisa ng Republic Act No. 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang private sector at local government units na tumulong sa national vaccination program ng pamahalaan.


Lalo pa at Department of Health (DOH) ay nakatukoy ng 1,001 bagong kaso ng Omicron BA.5 subvariant ng coronavirus disease at mahigit sa isang tao sa lahat ng rehiyon sa bansa ang tested positive sa naturang subvariant maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Ang pinakahuli ay idinagdag ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang Pilipinas, Nepal at Russia sa listahan ng mga bansang high-risk destination o nasa Level 3 classification.


Pinag-iingat ang mga biyahero na nais magtungo sa bansa kung hindi umano kayang umiwas dahil kabilang tayo sa may 100 kaso ng COVID-19 infections kada 100,000 tao sa nakalipas na 28 araw at nitong nagdaang linggo lamang ay umabot na sa 28,000 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.


Kaya sa mga guro, non–teaching personnel at mag-aaral ay dapat pangunahan ninyo ang pagsuporta sa DepEd, dahil ang tagumpay ng DepEd ay tagumpay ng kabataang Pilipino at ng buong bansa.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page