top of page
Search
BULGAR

78-anyos na ermat, laging tumatakas para mamasyal mag-isa

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 22, 2022


Dear Sister Isabel,


Nawa’y palagi kayong nasa mabuting kalagayan. Ang problema ko ay ang aking nanay na 78-anyos. Malakas pa siya, kaya nagagawa niyang tumakas sa bahay at namamasyal kung saan niya gusto. Nag-aalala kami dahil baka kung ano’ng mangyari sa labas ‘pag umaalis siya. Hindi talaga siya nagpapaalam at basta na lang umaalis, buti na lang, nakakabalik pa siya.


Ang problema, ayaw niyang makinig sa amin ‘pag sinasabihan siya na delikadong lumabas siya mag-isa dahil baka madisgrasya siya. Minsan ay naligaw na siya, buti na lang, may nakakilalang kapitbahay at hinatid siya rito sa amin.


Ano ang gagawin namin sa nanay ko? Ayaw naman niyang may kasama ‘pag lumalabas siya at talagang tumatakas siya para hindi namin siya samahan.


Sana ay mapayuhan n’yo ako dahil palagi kaming kinakabahan kapag bigla siyang nawawala para mamasyal.


Nagpapasalamat,

Imelda ng Pampanga



Sa iyo, Imelda,


Hindi mo binanggit kung malakas pa pangangatawan at matino pa ang isipan ng nanay mo kahit matanda na siya. Sa edad niyang 78, siguro naman ayos pa ang pakiramdam niya kaya siya ganu’n. Kumbaga, wala pa siyang nararamdaman sa katawan, kaya ayaw niyang nakakulong lang sa bahay, bagkus ay gusto niyang mamasyal at maglibang. ‘Yun nga lang, mag-aalala kayo. Kausapin n’yo siya nang maayos at ipaliwanag na dapat ay may kasama siya sa pamamasyal. Ipangako n’yo na hindi kayo magiging kill joy at kung ano ang gusto niya, hindi n’yo siya pipigilan. Sabihin n’yo na labis kayong nag-aalala para sa kanyang kaligtasan dahil baka hindi na siya makabalik.


Sa palagay ko naman ay maiintindihan niya ang side n’yo kung matino pa pag-iisip niya. Kung ulyanin na siya, delikadong pabayaan n’yo siyang lumabas nang mag-isa. Ipinapayo ko na kumain kayo sa labas, ipasyal na rin siya kung saan niya gusto kahit isang beses sa isang linggo. Palagi n’yong gawin ‘yan para hindi siya mainip sa bahay at hindi na magtangka pang umalis. Pagtiyagaan n’yo na at unawain ang ugali niya dahil ganyan talaga ‘pag tumatanda. Tatanda ka rin at ganundin ang posibleng gawin mo ‘pag hindi ibinigay ng anak mo ang iyong kalayaan.


Pang-unawa, pagmamahal at pag-aaruga nang buong tiyaga ang dapat mong gawin sa iyong nanay habang nandito pa siya sa mundo. Masakit mawalan ng ina, kaya hanggang kasama n’yo pa siya, ibigay mo ang lahat ng magpapaligaya sa kanya.


Alalahanin mo rin na mapalad ang mga anak na nagmamahal sa magulang, pagpapalain sila habambuhay at walang mabigat na problemang daranasin.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page