ni Lolet Abania | May 6, 2022
May kabuuang 756,083 poll workers ang itatalaga para magsilbi at mag-monitor hinggil sa nalalapit na May 9 elections, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Biyernes.
Sa isang press conference, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na tinatayang 90% ng 647,812 ng kabuuang bilang ng mga poll workers ay kawani o personnel mula sa DepEd.
“The total poll workers that will be mobilized and deputized by the Comelec (Commission on Elections) is about 756,083 poll workers. And among that, the DepEd poll workers will account to about 90% — 647,812,” ani Pascua.
Ayon kay Pascua, sa DepEd personnel, nasa 319,317 ang electoral boards (EB); 200,627 EB support staff; 38,989 DepEd supervisor officials; (DESO); 87,162 DESO support staff; at 1,717 board of canvassers.
Sinabi rin ni Pascua na ang mga poll workers ay deputized ng Comelec.
Binanggit naman ni Pascua na bumuo ang DepEd ng isang hiwalay na grupo, ang DepEd Election Task Force, kung saan nakatuon ito sa mga concerns ng mga guro at paaralan sa gitna ng eleksyon. Ayon sa opisyal, ang nasabing task force ay hindi pinakikilos ng Comelec kundi ng DepEd.
Aniya pa, ang DepEd Election Task Force ay mayroong limang grupo sa bawat rehiyon at division. Ang operasyon ng mga ito ay magsisimula sa Mayo 8 hanggang 10.
Samantala, binigyang-diin ng Comelec na tanging mga trained teachers lamang ang hahawak ng vote counting machines (VCMs) sa araw ng eleksyon, matapos na lumabas ang mga reports kaugnay sa ilang personnel sa Cotabato City na pinalitan ng mga hindi sinanay na mga guro.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad sa lugar at tinututukan ang naging problema.
Ipinunto naman ni Garcia na ang mga VCM handlers ay dapat na mayroong certification mula sa Department of Science and Technology (DOST).
“Paninindigan ng Comelec kung ano ang nakalagay sa ating guidelines na dapat ay makakapaglingkod lamang na mga miyembro ng electoral boards ay yung mga na-train namin sa napakahabang araw,” ani Garcia sa isang televised briefing.
Comentarios