ni Lolet Abania | June 19, 2022
Nakamit ng gobyerno ang kanilang target na 70 milyong Pilipino na mabakunahan kontra COVID-19, dalawang linggo bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Hanggang noong Hunyo 17, nasa kabuuang 70,005,247 indibidwal ang fully vaccinated o 77.8% ng target population, base sa latest report ng National Vaccination Operations Center (NVOC).
Ayon kay NTF chief implementer Carlito Galvez Jr., ang pinakabagong record na ito ay isang patunay sa naging pangako o commitment ng gobyerno na mabakunahan ang mas marami pang mga Pilipino laban sa viral disease.
“This is our parting gift to the next administration. We hope that our new leaders will also prioritize our vaccination program and continue to build an immunity wall among our people,” ani Galvez sa isang statement.
Nasa kabuuang 153,013,072 COVID-19 vaccine doses na ang na-administer ng gobyerno, na mayroong 74,813,407 indibidwal na nakatanggap ng first dose hanggang nitong Hunyo 17.
Una nang sinabi ng pamahalaan na target nilang makapagbakuna ng tinatayang 77 milyong indibidwal, o 85% ng eligible population sa pagtatapos ng Hunyo, bago ang termino ni Pangulo Duterte na magtapos sa Hunyo 30.
Giit ni Galvez ang pagkakaroon ng mataas na vaccination rate at patuloy na pagsunod sa minimum health protocols ay maaaring makaiwas sa isa pang surge ng COVID-19 cases.
“We have had many superspreader events in the past months, including the national elections, but we still managed to keep our new COVID-19 cases low because of our high vaccination rate,” sabi ni Galvez, na siya ring vaccine czar ng bansa.
“But vaccination alone is not enough. We still have to follow our public health protocols, including frequent washing of hands and wearing of best fitted face masks,” dagdag ni Galvez.
Nai-report din ng NVOC na mayroon nang 14,704,514 indibidwal na nabigyan ng kanilang unang booster shots, habang nasa 648,555 ang nakatanggap ng ikalawang booster dose.
Para sa pediatric vaccination, may kabuuang 3,217,367 kabataan edad 5 hanggang 11 ang mga fully vaccinated na, habang may kabuuang 9,487,745 minors naman na edad 12 hanggang 17 ang natanggap na rin ang kanilang full doses.
Muling hinimok ni Galvez ang publiko na tanggapin na ang kanilang booster shots upang madagdagan ang proteksyon na naibibigay ng primary doses.
“Napakahalaga pong makakuha ng booster shot para mapalakas ang proteksyon na dulot ng bakuna. Para sa mga pwede na ring kumuha ng second booster shot, magpabakuna na agad,” saad pa ni Galvez.
Matatandaang unang inilunsad ng Pilipinas ang COVID-19 vaccination program noong Marso 2021.
Comments