ni Gina Pleñago | April 13, 2023
Ipapadala sa Iwahig at Sablayan Prison and Penal farms ang 700 Bilibid guards ng Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay umano sa kapabayaan sa kanilang tungkulin at pagkakasangkot ng ilan sa iregularidad.
Batay sa seremonya ng ‘Change of the Guards’ na pinangunahan ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr., isinalin nito kay bagong Superintendent Chief Sr. Insp. Purificacion P. Hari ang pangangasiwa ng maximum compound kapalit ni outgoing CCInsp. Lucio C. Guevarra.
Ang 700 prison guards na pinalitan ay sasailalim sa retraining ng halos isang buwan.
Isasagawa ito ng international prison reforms expert na si Prof. Raymund Narag ng Southern Illinois University.
Ang papalit sa kanila ay 300 prison guards na newly graduate mula sa Batch 17, 18, 19 at 35 senior guards na bibigyan ng bodycams.
Umabot na sa 30,259 person deprived of liberty o PDLs sa ngayon ang nasa pangangalaga ng BuCor at inaasahang sa taong 2028 ay magiging maayos na ang kanilang kalagayan sa mga kulungan dahil ililipat na ang mga ito sa malawak na lupain ng Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Comments