ni Lolet Abania | March 1, 2022
Papayagan lamang ang mga campaign rally ng hanggang 70% venue capacity sa ilalim ng umiiral nang Alert Level 1, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Under the Comelec Resolution 10732, under Alert Level 1, allowed po up to 70% of the operational capacity of the venue whether indoor or outdoor,” paliwanag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing ngayong Martes.
“So meron pa rin po limitasyon sa numero ng mga tao na pwedeng dumalo sa isang pagtitipon kahit na po ‘yung lugar na ‘yun ay under Alert Level 1 na,” sabi ng opisyal.
Sa pangkalahatan sa ilalim ng Alert Level 1, ang lahat ng establisimyento, mga indibidwal, o aktibidad, ay pinapayagan na mag-operate, magtrabaho, o magkaroon ng full on-site or venue/seating capacity, subalit dapat na ipinatutupad pa rin ang minimum public health standards.
Ayon pa kay Malaya, ang DILG ay nakikipag-coordinate na sa Commission on Elections (Comelec) hinggil sa kung paano i-deputized ang mga ahensiya para ipatupad ang nasabing restriksyon.
Comments