ni Anthony E. Servinio @Sports | June 16, 2023
Pitong koponan ang handa na para sa pagbubukas ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup ngayong Biyernes, Hunyo 16, sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Sasalubungin ng host DF Bulacan Stars ang hamon ng bisita Santa Rosa Laguna Lions sa nag-iisang laro simula ng 6 p.m.
Ang pitong kalahok ay inihati sa dalawang grupo kung saan nasa Grupo A ang Bulacan, Santa Rosa, CamSur Express at KBA Luid Kapampangan. Binubuo ang Grupo B ng 2022 Chairman’s Cup champion Taguig Generals, Tatak Gel Binan at Quezon City Stars.
Lalabanan ng mga koponan ang kanilang mga kasama sa grupo ng tig-isang beses at dalawang beses sa mga nasa kabilang grupo. Dahil dito, ang mga nasa Grupo A ay may siyam na laro habang tig-10 ang Grupo B.
Maagang paborito ang Generals at babalik ang karamihan ng mga manlalarong naging bahagi ng kampeonato noong Enero kontra sa La Union PAOwer. Kumuha ng liban ang PAOwer ngayong conference kaya lalong naging bukas ang pinto sa lahat na maagaw ang tropeo.
Nais ng Bulacan, Quezon City at CamSur na kalimutan ang nakaraan nilang kampanya at kunin ang unang titulo. Ang lalawigan ng Laguna ay kakatawanin hindi lang ng isa kundi dalawa nang koponan at ang mga beterano nila ay ibinahagi na sa Santa Rosa at Binan.
Ang Luid Kapampangan ay unang lumahok sa NBL Youth at ngayon ay aakyat na sa professional league. Ito ay tugmang-tugma sa sinumpaang layunin ng liga na tumuklas at humubog ng sarili nilang mga talento.
Magkakaroon ng payak na pambungad na palabas sa 5 p.m. na pangungunahan ni Gob. Daniel Fernando at mga opisyal ng lalawigan at NBL. Mapapanood ang mga laro sa Aliw 23 at sa Facebook at YouTube ng NBL.
Comments