ni Lolet Abania | July 5, 2022
Pitong sundalo ang nasugatan, kabilang ang dalawa na nasa kritikal na kondisyon, matapos isang anti-personnel mine ang sumabog sa gitna ng kanilang community service sa Mapanas, Northern Samar, ngayong Martes.
Ayon sa military, ang tropa mula sa 20th Infantry Battalion at 63rd Infantry Battalion (63IB) ay nagsasagawa ng immersion activities nang mangyari ang pagsabog ng alas-6:15 ng umaga.
“Of the seven, dalawa ang critical, so ongoing ang evacuation nila sa hospital,” pahayag ni 8ID commander Major General Edgardo de Leon.
“Hopefully malagpasan nila ‘yung kanilang ordeal na, nagko-community service na nga, pinasabugan pa ng anti-personnel mine,” ani De Leon.
Isinisi naman ni De Leon sa grupo ng mga communist rebel na New People’s Army (NPA) ang naganap na pag-atake sa mga sundalo habang kinondena ang mga ito dahil sa umano paglabag sa batas na aniya, nagbabawal sa paggamit, stockpiling, produksyon at pag-transfer ng anti-personnel mines.
Ayon kay De Leon, nagsasagawa na ang mga awtoridad ng pursuit operations para sa ikaaaresto ng mga sangkot na mga rebelde habang aniya, inihahanda na rin ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
Sinabi naman ni De Leon na walang sibilyan na nasaktan sa insidente.
Comments