7 presong tumestigo vs. De Lima, kumantang pinilit lang
- BULGAR
- Nov 21, 2023
- 1 min read
FPni Angela Fernando - Trainee @News | November 21, 2023

Hiniling ni dating Senadora Leila de Lima sa isang korte sa Muntinlupa ngayong Martes na dalhin ang pitong bilanggo na nagbigay ng maling testimonya sa kanyang mga kaso ukol sa droga.
Sa isinumiteng pahayag sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206, ibinahagi ni De Lima na nakatanggap siya ng liham na may lagda nina German Agojo, Tomas Doniña, Jaime Patcho, Wu Tuan Yuan o mas kilala bilang Peter Co, Engelberto Durano, Jerry Pepino, at Hans Anton Tan.
Nakasaad sa liham na sila ay napilitan lang tumestigo laban kay De Lima dahil may nag-impluwensiya sa kanila.
Dagdag pa, may banta sa buhay ng pito at sa kanilang pamilya kaya sila napilitang tumestigo.
Hiningi umano ng pitong ilipat sila mula sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Dahil dito, hiniling ni De Lima sa Muntinlupa RTC na dalhin ang pitong bilanggo sa harap ng korte upang patotohanan ang kanilang alegasyon
Nakiusap din ang dating senadora na ilipat ang mga bilanggo mula sa Sablayan patungong New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, kung may katotohanan man ang kanilang sinabi sa liham.
Ito ay matapos makalaya ni De Lima kamakailan mula sa halos pitong taon niyang pagkakapiit.
Comments