ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | June 29, 2024
Magiting na humakbang ang pitong mga bilyarista ng Pilipinas sa round-of-32 ng umiigting nang tagisan ng husay sa 2024 Maldives 10-Ball Open sa Lungsod ng Male kahapon ng madaling araw (oras sa MNL).
Ang pulutong ng mga Pinoy na nakatayo pa at nananatiling may tsansa sa korona ay binubuo nina Michael Baoanan, Sean Mark Malayan, Jonas Magpantay, Jeffrey Ignacio, Bernie Regalario, World 10-Ball king Carlo Biado at si 2023 Maldives Open runner-up Johann Chua.
Itinaob nina "Dark Phoenix" Baoanan (Hui Chan Lu, 10-5), Malayan (Ahmed Shiwaz, 10-1), "Silent Killer" Magpantay (Abdulla Salem Alenezi, 10-5), "Cobra" Ignacio (Lin Ta-li, 10-6), "Li'l Prince" Regalario (Ping Han Ko, 10-7) at "Bad Koi" Chua (Kelvin Zarekani, 10-4) ang kani-kanyang mga karibal para maiposte ang kalmanteng mga panalo.
Nasa Final 32 rin si "Black Tiger" Biado kahit hindi ito sumalang sa unang yugto ng knockout stage dahil sa pagiging isa sa mga seeded cue artists sa tunggaliang may basbas ng World Pool Billiards Association.
Pero tiyak na daraan na sa butas ng karayom pagkatapos nito dahil mas mabibigat ang kanilang susunod na magiging mga ka-engkwentro. Duwelong Baoanan-Wu Kun Lin, Pin Yi Ko-Malayan, Magpantay-Dennis Grabe, Ignacio-Ping Chung Ko, Regalario-Mario He at Biado-Chua ang naikasa.
Buhay din at nasa eksena pa ang mga bituing sina Fedor Gorst (USA), Aloysius Yapp (Singapore), Miezko Fortunski (Poland), John Morra (Canada), Sanjin Pehlivanovic (Yugoslavia) at Alexander Kazakis (Greece).
Comments