ni Zel Fernandez | May 10, 2022
Nailigtas na kagabi ang pitong (7) pasahero ng tumaob na bangka sa karagatan ng Bongao, Tawi-Tawi sa pagsaklolo ng mga tropa ng 2nd Marine Brigade ng Joint Task Force Tawi-Tawi.
Naatasang magsundo at mag-escort sa mga board of election inspector at vote counting machines mula sa Lato-Lato Elementary School ang mga sundalo nang matagpuan nila ang tumaob na bangka sa Brgy. Lato-Lato.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:20 ng gabi nang mamataan ng mga sundalo sa laot habang nakakapit sa tumaob na bangka ang pitong biktima na kinilalang sina Nurkaiza Maduid, 42; Nadania Aripin, 31; Sherie Abdulasan, 52; Arzaida Monteron, 33; Apra Tuanpanis, 12; Omar Tuanparis, 29; at Sadeeq Taunparis, 30.
Pawang mga mula sa Brgy. Lamion ang mga biktima na agad dinala ng mga tropa sa headquarters ng 82nd Marine Corps sa Lamion wharf kung saan binigyan ng Forward Support Medical Team (FSMT-33) ng medical assistance ang mga biktima.
Dahil dito, pinapurihan ni 2nd Marine Brigade Commander Brigadier General Romeo Racadio ang mga tropa sa pagresponde ng mga ito sa mga kababayang nangangailangan ng saklolo, habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa araw ng eleksiyon.
Comments