top of page
Search
BULGAR

7 Milyong Pinoy na “no read, no write”, tulungan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 05, 2023

Ang Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ay isang household-based nationwide survey na isinasagawa kada limang taon. Ang FLEMMS noong 2019 ang ika-siyam sa mga serye ng survey na isinagawa simula noong 1989.


Mahalaga ang survey na ito para sa mas maigting na pagsusukat at pagtutok sa literacy rate ng bansa. Ang problema, masyadong mahaba ang limang taong pagitan sa pagsasagawa nito.


Kaya kung ako ang tatanungin, dapat gawing mas regular ang pagsasagawa ng naturang survey.


Kasabay nito ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), Literacy Coordinating Council (LCC,) at mga local government units para masukat nang husto ang literacy rate sa bansa at matukoy kung anu-anong mga literacy programs ang dapat na ipatupad.


Noong nagsagawa ang Senado ng pagdinig sa panukalang budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) at mga kalakip nitong ahensya, inalam natin sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung posible nga ba ang mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS.


Sabi ni National Statistician Dr. Dennis Mapa na humingi ang PSA ng pondo noong nakaraang taon para isagawa ang FLEMMS, lalo na’t nakita natin ang pinsalang dulot sa literacy ng COVID-19 pandemic. Pero hindi ito napagbigyan. Gayunpaman, nakahanda ang PSA na ituloy ang pagpapatupad ng FLEMMS sa susunod na taon, bagay na saklaw na ng panukalang budget ng ahensya.


Ipinaliwanag din ni Dr. Mapa na sa susunod na pagpupulong ng PSA board, tatalakayin nila ang posibilidad ng mas maikling pagitan sa pagsasagawa ng FLEMMS. Ibinigay din niyang halimbawa ang Family Income and Expenditure Survey (FIES) na dating isinasagawa kada tatlong taon.


Ngunit, nagpasya ang PSA board na gawin ang naturang survey kada dalawang taon upang maging mas regular ang pagkakaroon ng opisyal na datos pagdating sa kahirapan. Aniya, maaaring isagawa ang FLEMMS kada tatlong taon.


Base sa 2019 FLEMMS, mahigit anim na milyong Pilipino na may edad na lima pataas ang hindi pa talaga literate. Ibig sabihin nito ay hindi sila makabasa o makasulat nang may pag-unawa sa mga simpleng mensahe. Halos pitong milyong Pilipinong may edad na 10 hanggang 64 ang itinuturing na functionally illiterate. Ibig sabihin, wala silang kakayahan na makilahok nang ganap sa mga pang-araw-araw na gawain gamit ang sapat na kakayahan sa komunikasyon.


Maliban sa mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS, iminungkahi rin natin na gawin ang survey hanggang sa mga siyudad. Sa assessment ni Dr. Mapa, kakailanganin ng dagdag na pondo para maisagawa ito. Tinatayang P60 milyon ang kailangan para sa pagpapatupad ng isang cycle ng FLEMMS.


Ang pagsugpo sa illiteracy sa ating bansa ang isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang matiyak na walang sinuman ang mapagkakaitan ng magandang kinabukasan.


Upang maging epektibo ang pagpapatupad ng mga programa para sa pagsugpo ng illiteracy, mainam na gawing regular ang pagsasagawa ng nasabing survey.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page